Pagpigil umano sa mga proyekto ni Mayor Vergara sa Sanggunian, pinabulaanan ni VM Umali

Pinabulaanan ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali ang paratang na di umano’y pinipigilan niya angmga hinahangad na proyekto ni Mayor Jay Vergara na dumaraan sa Sangguniang Panlungsod.

Ang paratang ay narinig mismo ni VM Umali kay Mayor Vergara sa ginanap na flag raising ceremony sa City Hall noong lunes, May 28, 2018.

Ayon kay Umali, walang katotohanan ang paratang sa kaniya ni Vergara na hinahadlangan niya ang mga proyektonito sa pamamagitan ng pagpigil sa mga panukala na inihahain ng mga kaalyadong Konsehal ng Punong Lungsod.

Paglilinaw ni Umali, ang tanging ninanais lamang niya ay maisaayos at maitama ang proseso ng mga pagdinig sa bawat panukalang dumaraan sa Sanggunian dahil hangad niya na gawing matino ang kaniyang trabaho bilang Bise Alkalde ng lungsod.

Kung kumpleto lang aniya ang mga isinusumite na committee report ng mga Konsehal at dumadalo ang mga Department Heads ay hindi umano darating sa punto na mabibinbin ang ilang panukala na binibigyan ng malisyosong interpretasyon ng iba.

Kung pagiging patas lang aniya ang hinahangad ni Mayor Vergara, suhestiyon ni VM Umali na parehas silang humarap sa tao at sagutin isa-isa ang bawat isyu na mayroon sa pagitan nila. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *