Pagtatanim ng puno sa gumuguhong kabundukan ng Gabaldon, mahalaga pa rin -MGB

Ipinaliwanag ni MGB Region 3 Chief Geologist Lacadin sa ginanap na Sierra Madre Summit kung bakit gumuguho ang kabundukan ng Gabaldon.
Ipinaliwanag ni MGB Region 3 Chief Geologist Lacadin sa ginanap na Sierra Madre Summit kung bakit gumuguho ang kabundukan ng Gabaldon.

   Mahalaga pa ring magtanim ng mga punong kahoy sa kabundukan ng Gabaldon upang makatulong na mapigilan ang lumalalang landslide doon.

   Ito ang naging sagot ni Engineer Noel Lacadin, Chief Geologist of Mines and Geo-Sciences Bureau-DENR sa ginanap na Sierra Madre Summit sa katanungan ni Father Pete Montallana, Director ng Sierra Madre Network Alliance Inc. kung makabuluhan pa bang taniman ng mga puno ang bundok sa naturang bayan?

   Bunsod ito ng iprinisentang pag-aaral ng MGB pagkatapos ng magkasunod na bagyong Lando at Nona noong taong 2015, kung saan nabunyag na posibleng makabuo ng temporary lake o lawa sa Coronel river dahil sa buhangin, at mga batong tumambak dito.

   Kaya kapag nagkaroon ng malakas na pag-uulan, at nabarahan ang kanal na dinadaluyan ng ilog na ito sa Gabaldon, bubulwak ang naipong tubig mula sa lawa na magiging sanhi ng malawakang flashflood sa silangang bahagi ng Nueva Ecija.

Nagmistulang ulong tuklap-tuklap ang kabundukan ng Gabaldon matapos salantahin ng mga bagyong Lando at Nona.
Nagmistulang ulong tuklap-tuklap ang kabundukan ng Gabaldon matapos salantahin ng mga bagyong Lando at Nona.

   Paliwanag ni Engineer Noel Lacadin, nagkakaroon ng landslide sa mga bulubunduking parte ng barangay San Vicente, at San Fernando sa Laur, barangay Bagting, at Calabasa sa Gabaldon, at barangay Labi sa  Bongabon, dahil wasak-wasak ang mga bato sa ilalim nito.

   Epekto aniya ito nang paggalaw ng Philippine Fault na nakaugnay sa Digdig at Gabaldon fault line na huling gumalaw noong July 16, 1990 earthquake.

   Sa kabila nito, makatutulong pa rin umano ang pagtatanim ng mga puno; dahil sa mga ugat nito na sipsip sa tubig-ulan, pagguho ng lupa, at ang katawan nito na magsisilbing harang na magpapabagal sa agos ng tubig mula kabundukan pababa.

   Inirekomenda rin ng MGB ang desilting plan na aprubado ng DPWH o paghuhukay at paghahakot sa tumabong buhangin at bato na nagpababaw na sa mga ilog ng Digmala sa Bongabon, at Coronel river sa Gabaldon maging pati sa mga sanga nito.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *