Pagtatanim ng puno sa kabundukan ng Pantabangan at Carranglan, target na matapos ng DENR ngayong taon

Tinatarget na matapos ngayong taon ng DENR – Nueva Ecija na mataniman ng iba’t ibang uri ng seedlings ang halos 15,000 ektarya na lupain sa Pantabangan-Carranglan Watershed Forest Reserve sa ilalim ng kanilang Forestland Management Project.

Ilan sa mga seedlings na itinatanim sa kabundukan ng Pantabangan at Carranglan ay mga forest trees tulad ng ipil-ipil, narra at molave; fruit trees gaya ng mangga at lemon; at mga agricultural crops tulad ng mushroom, peanuts at kamoteng kahoy.

Ayon kay Forester Cherrica Claudio, Division Chief for Technical Services ng Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO – Nueva Ecija, ang Forestland Management Project o FMP ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isa sa mga naging tugon para maisalba at mapangalagaan ang mga kabundukan hindi lang dito sa probinsya kundi maging sa buong bansa.

Dagdag pa ni Claudio, naging katuwang ng kanilang ahensya sa pagtatanim ng puno ang 35 People’s Organization dito sa lalawigan kung saan bukod sa nakatutulong sa pangangalaga ng kalikasan ay kumikita pa ang mga ito dahil sa mga agricultural crops na itinatanim nila.

Sinimulan aniya nila ang pagtatanim noong 2015 hanggang sa kasalukuyan kung saan sa 14,773 hectares na target area ay nasa 59 hectares na lang ang kailangang matamnan ngayong taon.

Pagkatapos na mataniman lahat ng denoted forest land ay patuloy pa rin itong babantayan at aalagaan ng DENR sa loob ng tatlong taon upang masigurado na mabubuhay ang mga itinanim na puno.

Ang naturang proyekto ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng Philippine Government at Japan International Cooperation Agency (JICA) na naaprubahan at sinimulan noong March 2012 na tatagal hanggang sa 2022.

Panawagan ni Claudio sana ay makiisa ang bawat Novo Ecijano sa pag-iingat at pangangalaga ng ating kabundukan para sa magandang kapiligiran na aabutan ng mga susunod pang henerasyon. – Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *