Paliligo sa dagat ng Dipaculao, Aurora, ipinagbawal dahil sa pating

Patuloy na binabantayan at ipinagbabawal ang paglapit o paliligo sa bahagi ng Philippine Sea sa Brgy. Dupa, Dipaculao sa probinsya ng Aurora matapos na matagpuan ang isang patay na pating sa pampang nito noong August 24, 2020.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Allan Dela Rosa, Public Information Officer ng lokal na pamahalaan ng Dipaculao, ang lalaking pating na kulay asul ay may habang 10.6 feet at may timbang na 75 kilos.

Kaagad umano nila itong ipinagbigay alam sa kanilang Municipal Agriculturist Office upang suriin ang namatay na pating at kalaunan ay ipinaubaya na sa pamahalaang barangay ang paglilibing dito.

Ayon kay Dela Rosa, ang blue shark ay may sugat sa gawing tiyan na pinaniniwalaang nanghina at itinulak ng malalakas na alon sa dalampasigan na maraming bato na dahilan marahil ng kanyang pagkasugat.

Hindi naman aniya ito ang unang pagkakataon na may naanod na patay na pating sa kanilang lugar dahil noong June 9, 2020 lamang ay isang 9 feet female blue shark, na may lapad na 16 inches at tinatayang may 70-80 kilos ang timbang, ang natagpuan sa Brgy. Lobbot.

Nakitaan din daw ito ng mga sugat sa katawan at kaagad ding ibinaon ng mga residente doon.

Sa ngayon ay pinag-iingat nila ang mga residente sa Brgy. Dupa na nababahala sa kanilang kaligtasan, kaya nagtalaga ang barangay ng magbabantay sa baybayin ng dagat upang masigurong walang sinuman ang maliligo o pupunta doon.

Base sa Earth Touch News Network, hindi umano agresibo o nangangagat ng tao ang mga blue shark ngunit umaatake ito kapag naramdaman nilang nasa panganib ang kanilang buhay.

Karaniwan silang matatagpuan sa mga tropikal at mahinahong tubig mula sa Hilagang bahagi ng Norway hanggang sa South America.

Sa listahan ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) ang katubigan ng mahigit 150 bansa ay maituturing na native habitat o tirahan ng mga blue shark.

Kaya nilang lumangoy ng hanggang 9, 000 kilometro o may katumbas na 5, 592 miles tuwing pupping season o panahon ng kanilang panganganak.— Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/lFueNarvhAk


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *