Pamahalaang Panlalawigan, katuwang sa pagtupad ng karapatan at pagkakaroon ng kabuhayan ng mga taong may kapansanan

“Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagtupad ng Karapatan ng mga Taong may Kapansanan”, iyan ang naging tema ngayong taon sa ika-apatnapu’t isang taong selebrasyon ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week na ginanap mula noong July 17 hanggang July 23, 2019.

Isa sa mga programang isinagawa ay ang livelihood training sa pagpaparami ng mushroom o kabute at ang paggawa ng dishwashing soap na isinagawa ng PSWDO o Provincial Social Welfare and Development Office katuwang ang PDAO o Persons with Disablity Affairs Office na  itinuro sa dalawampu’t dalawang lider ng PWDs o Persons with Disabilities dito sa probinsya at ibabahagi naman nila sa kanilang mga miyembro ang natutunan bilang tulong pangkabuhayan sa mga ito.

Bukod sa nasabing training ay kasalukuyan ding iniipon ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali ang limampu’t dalawang wheelchairs na nakatakdang ipamahagi ngayong taon sa mga may inkapasidad na nangangailangan nito.

Sa aming panayam kay John Albert de Guzman, dating presidente ng mga PWD sa Jaen, isa ang kanilang bayan sa nabibiyayaan taun-taon ng provincial government ng mga wheelchair, prosthesis, saklay at iba pa na malaki ang naitutulong sa mga may kapansanan na walang kakayang bumili ng mga nasabing kagamitan.

Nabigyan naman ng pagkakataon na maipakita ang kanilang talento sa pagkanta at pagsayaw ang mahigit 500 PWDs kabilang ang mga SPED students galing sa iba’t ibang lugar sa probinsya sa programang inihanda para sa kanila noong Lunes, July 22, 2019 na ginanap sa Convention Center sa Palayan City.

Ayon kay PDAO Head Ariel Sta. Ana, layunin ng aktibidad na mas mapalakas at mapatatag ang loob ng mga taong may inkapasidad sa paglaban sa buhay sa kabilang ng kanilang sitwasyon.

Base sa pinakahuling datos ng PDAO nasa halos 13,000 pa lamang ang mga PWD dito sa Nueva Ecija na nakakapagpatala sa kanilang tanggapan at ito lang ang nakakatanggap ng mga benepisyo at programa ng gobyerno para sa mga disabled.

Hinikayat naman ni Sta. Ana ang mga Novo Ecijano na hindi pa nagpaparehistro sa mga MSWDO sa kanilang lugar upang maranasan din nila ang mga pribilehiyo at proyekto ng pamahalaan para sa mga taong may kapansanan. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *