Pamahalaang panlalawigan, naghahanda na sa pagdating ng lindol

Isang minutong paggalaw ng lupa o ground shaking ang isinagawang drill sa New Capitol Building, Palayan City noong Huwebes, November 14, 2019, bilang bahagi ng National Simultaneous Earthquake Drill na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Nueva Ecija.

Ayon kay PDRRM Officer Michael Calma, ilang serye ng pagsasanay at oryentasyon ang kanilang naisakatuparan sa mga opisina at departamento ng Kapitolyo sa loob ng tatlong araw bilang paghahanda sa pagdating ng lindol.

Kabilang sa mga itinuro sa mga empleyado ay ang duck, cover and hold, pag-alam sa mga panganib sa bawat opisina, pagdetermina ng exit point o pinakamalapit na labasan, pagtatalaga ng mag-aassist sa mga may special needs at importansya ng head count.

Binigyang diin ni Calma ang kahalagahan ng duck, cover and hold at head count, dahil mas marami aniya ang maaaring masaktan o masugatan kapag tumatakbo habang gumagalaw ang lupa at sa pamamagitan naman ng head count kada opisina ay malalaman kung sino sa kanilang mga kasamahan ang naiwan at hindi nakalabas na posibleng nasaktan o injured.

Ani Calma, close to reality o ginawa nilang mas makatotohanan ang drill dahil wala silang itinayong mga tent at wala ding mga rescuer sa paligid dahil sa actwal na sitwasyon ay wala talagang abiso kung kailan darating ang lindol.

Sinabi din nito na isang team mula sa Provincial Health Office ang kanila sinasanay upang magsilbing rescuer sa mga susunod na drill.

Dagdag nito, ilan sa mga rekomendasyon ng mga empleyado na isasama sa kanilang report ay ang pagkakaroon ng first aid kit bawat opisina, pagmomodify o pagsasaayos ng pintuan ng sangguniang panlalawigan na paloob ang bukas sa halip na palabas at iba pa.

Mensahe ni Calma sa mga Novo Ecijano, alamin ang maaaring panganib sa kapaligiran sa anumang oras at pagkakataon at siguraduhing maging ligtas anumang panahon.— Ulat ni Jovelyn Astrero

https://www.youtube.com/watch?v=Xlu0Jd4xNwY&feature=youtu.be


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *