Pamahalaang panlalawigan, naghahanda na sakaling pumasok ang Novel Coronavirus sa probinsya

Nakatakdang pulungin ni Governor Aurelio Umali ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC upang makabuo ng mga plano at preparasyon sakaling makapasok ang Novel Coronavirus o NCov sa lalawigan.

Ito ang inihayag ni Governor Umali sa ika-dalawampu’t isang episode ng Usapang Malasakit sa Lipunan noong Martes, January 28.

Aniya, mahalaga na mayroong preparasyon ang probinsya sakaling makapasok ang naturang sakit upang hindi ito kumalat at makapandamay pa ng iba, tulad ng naging kahandaan ng provincial government noong taong 2009 nang magkaroon ng kaso ng H1N1 sa Barangay Hilera sa Bayan ng Jaen.

Inayunan naman ng broadcaster na si Philip “DobolP” Piccio ang sinabi ni Gov. Oyie na dapat magkaroon ng kahandaan ang lalawigan dahil hindi aniya basta-basta ang pagbabantay sa mga mamamayan lalo na sa ganitong klase ng mga sitwasyon.

Sa kasalukuyan ay ipinatutupad na umano ng mga District Hospitals sa lalawigan ang Cough Fast Lane na programa ng national government, kung saan hindi na kinakailangang pumila sa out-patient department ang mga taong inuubo, sinisipon o nilalagnat dahil agaran itong titignan ng doctor para magamot at matukoy kung may iba pang seryosong sakit ang pasyente.

Samantala, mula sa dalawampu’t pitong Persons Under Investigation o PUI sa bansa na naiulat noong Martes, January 28 ay bumaba na ito sa dalawampu’t tatlo as of 6:43 pm kahapon January 29, lahat ay may kasaysayan ng pagbisita sa Wuhan, China na pinagmulan ng outbreak.

Hinihintay pa sa ngayon ang laboratory samples ng labing walong pasyente mula sa Research Institute for Tropical Medicine at anim na confirmatory results mula sa Australia.

Umakyat na sa isang daan at tatlumpu’t dalawa ang naitalang nasawi sa buong mundo dahil sa NCov at pumalo na sa 5, 974 ang kabuuang bilang ng kaso nito.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *