Pamahalaang Panlalawigan, nagpa-bloodletting sa San Jose City

Maituturing na suki na sa pagdodonate ng dugo si Michael Malunay ng Brgy Malasin, San Jose City.

Kung susumahin nga raw ay mahigit pitumpong beses na siyang nag-alay ng dugo, mula ng magsimula noong disi-sais anyos pa lamang siya.

Isa lamang si Michael sa tatlumpu’t limang kababayan natin na boluntaryong nag-donate ng dugo sa ginanap na Blood Letting Activity ng Pamahalaang Panlalawigan at San Jose City General Hospital sa pakikipagtulungan ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, na idinaos sa isang Mall ng San Jose noong March 5, 2019.

Ayon kay Rachel Aurelio, Administrative Officer ng San Jose City General Hospital, ang aktibidad ay bahagi ng pakikiisa sa National Service Program ng Department of Health na isinasagawa nila kada tatlong buwan o apat na beses sa isang taon.

Ang mga malilikom na dugo ay ilalagak sa Blood Bank ng PJG Medical hospital upang makatulong sa mga pasyenteng mangangailangan na masalinan ng dugo.

Ang mga donor ay maraming benepisyong medikal kapag regular na nagdo-donate ng dugo.

Napapanatili nito ang magandang kalusugan ng dugo at puso, mas maliit ang tiyansa na magkaroon ng kanser, nababawasan ang sobrang calories sa katawan at nakapagbibigay ng bagong blood analysis.

Narito ang ilang kwalipikasyon upang maging blood donor. Ang edad ay nasa pagitan ng 16 – 65 yrs old, hindi bababa sa 50 kilo ang timbang, nasa pagitan ng 60-100 ang pintig ng puso kada minuto at ang blood pressure ay nasa 90-160 ang systolic at 60-100 ang diastolic. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *