Pamahalaang Panlalawigan, nakiisa sa pagdiriwang ng Ika-120 Araw ng Kalayaan

Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang Ika-120 taong kasarinlan ng ating bansa laban sa mga dayuhang mananakop na ginanap sa lumang kapitolyo, sa lungsod ng Cabanatuan.

Pinangunahan nina Provincial Administrator Alejandro Abesamis at 1st District Board Member Baby Palilio ang pagtataas ng bandila. Habang si Board Member Macoy Matias naman ang nanguna sa pagbigkas ng panunumpa sa watawat.

Dinaluhan ang okasyon ng iba’t-ibang kawani ng ahensiya ng gobyerno, mga departamento ng kapitolyo at ilang lokal na opisyal katulad ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali.

Sa pamamagitan ni Provincial Administrator Abesamis, ipinaabot ng Ina ng Lalawigan Gov. Czarina “Cherry” Umali ang kaniyang mensahe sa naturang pagtitipon.

Pahayag ng Gobernadora, huwag isuko ng mga Novo Ecijano at mga Pilipino ang karapatan na mabuhay ng may dangal at may malayang kaisipan bunsod ng makabagong panahon at malawak na impuwensiya ng social media kung saan hindi mapigilan ang paglabas ng mga pekeng balita.

Hinikayat din ng Punong Lalawigan ang mga naglilingkod sa kapitolyo at ahensiya ng gobyerno na gampanan ng mahusay ang kanilang tungkulin at maglingkod ng tapat at buong kababaang loob sa mga kababayan.

Hiling ng Ina ng Lalawigan na sana ay patuloy na mamayani sa bawat isa ang tunay na pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa at sa inang bayan upang maisabuhay ang pagiging pilipino sa isip, sa salita at sa gawa. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *