Pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija, magbebenta ng bigas sa Magsasaka Partylist

Sa ika-labing apat na regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Anthony Umali, inaprubahan sa unang pagbasa ang pagbibigay pahintulot kay Governor Aurelio Umali upang lumagda sa Memorandum of Agreement para makapagbenta ng bigas ang pamahalaang panlalawigan sa Magsasaka Partylist.

Una rito, sa ika-anim na episode ng Usapang Malasakit sa Lipunan sa DWNE, inihayag ni Magsasaka Partylist Representative Argel Joseph Cabatbat na nakatagpo siya ng kapartner sa katauhan ni Governor Oyie Umali na may adbokasiyang tugunan ang problema ng mga magsasaka.

Ilan umano sa mga suliranin ng mga magsasaka ay ang kawalan ng kakayahang magtinda ng sariling produkto at dumadaan pa ang mga ito sa middlemen kaya tumataas ang presyo ng produkto kapag ibinenta na sa merkado.

Magiging katuwang ng pamahalaang panlalawigan ang Magsasaka Partylist sa pagtulong sa mga magsasaka ng Nueva Ecija.

Sa pipirmahang kasunduan nina Governor Umali at Representative Cabatbat ay ibebenta ng pamahalaang panlalawigan sa Magsasaka Partylist ang mga bigas mula sa mga palay na nabili sa mga natukoy na farmer beneficiaries ng Provincial Food Council.

Ang mga mabibiling bigas naman ng Partylist ay ititinda sa mas mababang presyo sa kanilang mga Magsasaka outlet.

Sa pamamagitan aniya ng outlet store ay makatutulong sila upang tangkilikin ng mamamayan ang mga lokal na produkto. Libre ang franchise ng Magsasaka outlet kaya naman plano rin ng gobernador na kumuha ng prangkisa nito para magtinda ng murang bigas sa panahon ng gawat.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *