Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, naghatid ng tulong sa Batangas

As of February 5, 2020 nasa Alert Level 3 status pa rin ang Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas kaya naman hindi pa rin makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga mamamayan na nakatira sa mga lugar na nasasakupan ng 7 kilometers radius at nananatili pa rin sa mga evacuation centers.

Patuloy naman na bumubuhos ang suporta galing sa iba’t ibang mga grupo at lugar katulad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Umali na naghatid ng tulong sa mga libu-libong bakwit.

Binubuo ang convoy ng Humanitarian Assistance to Batangas ng mga tauhan ng Office of the Governor, Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office, Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial General Services Office, at Provincial Engineering Office katuwang ang Ako ang Saklay Incorporated sa pangunguna ni Father Arnold Abelardo.

Pangunahin sa ibinigay na suporta ng pamahalaang panlalawigan ang produktong bigas ng Nueva Ecija na nagmula sa mga palay na binili sa pamamagitan ng Provincial Food Council mula sa mga magsasakang naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay.

Umaabot sa dalawang libong Malasakit Rice na may timbang na 25 kilos bawat isa ang ipinamahagi para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Halos walong daang sako ang iniwaan sa Command Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, limang daan sa Talisay na isa sa mga pinaka nasalantang bayan at tatlong daang sako sa Balete.

Dalawampo’t limang pamilyang bakwit naman sa Bitin, Bay, Laguna ang binigyan ng tig-iisang sako ng Malasakit Rice maging ang mahigit dalawandaang pamilya sa barangay Wawa sa Tanauan City at halos dalawandaang sako ng bigas pamilyang bakwit sa Sto Tomas, Batangas.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *