Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, plano na ring mamili ng tuyong palay

Sa ikalabing-isang episode ng programang Usapang Malasakit sa Lipunan ni Governor Aurelio Umali noong Martes, November 5, 2019 ay inihayag nito na mamimili na rin ng tuyong palay sa mga magsasaka ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Food Council bunsod ng kahilingan ng mga magsasakang umani na at nakapagbilad na rin ng kanilang mga palay.

Naimbitahan sa programa ang tumatayong secretariat ng PFC na si Jaycel Villegas kung saan sinabi nito na kasalukuyan ngayong ipina-iikot para mapirmahan ang resolusyon na naglalaman ng mga napagkasunduan ng council sa pagpapatayo ng sariling rice mill, pagbili ng mga harvester para makatulong sa pag-ani ng mga magsasaka, pagtaas sa tatlong ektaryang bukirin ng bibilhan ng palay at pamimili ng tuyong palay.

Sa panayam kay Governor Umali, sinabi nito na ang lahat ng mga napagkaisahan ng konseho ay kailangan munang dumaan at aprubahan ng mayorya ng mga miyembro ng  Sangguniang Panlalawigan para maipatupad ang mga ito.

Kabilang din aniya sa kanilang isasangguni sa SP ay ang magiging kalakarang presyo para sa mga nagnanais na bumili at magbenta ng Malasakit Rice na produkto mula sa mga pinamiling palay ng kapitolyo sa mga lokal na magsasaka.

Hiningi na rin nila ani Governor Umali ang tulong ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice na bahagi rin ng PFC para sa pagdedetermina ng variety ng mga palay para mabigyan ng mas magandang presyo.

Tugon ni Vice Governor Anthony Umali na kapag dinala na sa SP ang resolusyon ay dadalhin nila ito sa urgent matter upang mapag-usapan at mabigyan ng agarang katugunan.

Bwena mano namang costumer ng Malasakit Rice si dating 1st District Board Member Rommel Padilla na umorder na ng isang daang kabang bigas upang ibenta at maipromote hindi lamang sa loob ng lalawigan kundi maging sa showbiz industry.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *