Pamamahagi ng free wifi connection sa mga paaralan at barangay sa Nueva Ecija, aprub na sa SP

Binigyan ng awtoridad sa ika tatlumpo’t dalawang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Vice Governor Doc Anthony Umali si Governor Aurelio Umali bilang kinatawan ng pamahalaang panlalawigan upang makapagpamahagi ng Wireless Network Infrastructure sa limampong paaralan sa ilalim ng Department of Education – Division of Nueva Ecija at 181 barangays.

Nakapaloob sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng gobernador at mga benepisyaryo ang kanilang magiging tungkulin, mga dapat tandaan, sundin at pangalagaan sa pagtanggap ng hardware component ng nasabing wireless network kung saan kabilang ang routers, access points, switches and adapter.

Layunin ng programang ito na suportahan ang mga pampublikong paaralan sa lalawigan sa darating na pasukan ngayung Oktubre, 2020 na magpapatupad ng new online at blended learning modalities dahil hindi pa rin pinapayagan ang face to face classes para makaiwas sa pagkalat ng pandemyang COVID-19.

Samantalang ang mga pamahalaang barangay na mayroong CCTV o closed circuit television na mapagkakalooban ng WIFI connection ay magkakaroon ng pagkakataong mabigyang access ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagresponde sa panahon ng kalamidad, sakuna at emergencies na nangangailangan ng agarang aksyon.

Ayon kay Vice Governor Umali, pipilitin ng kapitolyo na mabigyan ng Wireless Network Infrastructure ang lahat ng mga barangay sa Nueva Ecija

Ang nasabing programa ay may nakalaan umanong pondong 72 million pesos at nakapaloob sa proyektong pagtatayo ng Command Center ng pamahalaang panlalawigan na iprinesenta ng PDRRM Council sa ginanap na Joint Council meeting ng Local Special Bodies kasama ang mga alkalde ng lalawigan noong ika-29 ng Hunyo, sa Sierra Madre Suites, Palayan City.— Ulat ni Nathaniel Isaac Jose


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *