Pamamaril sa staff ni Governor Umali, nakuha sa CCTV

Nakuha sa apat na CCTV camera ang naganap na pamamaril sa isa sa mga staff ni Governor Czarina Umali na si Mary Anne Hernandez, na naging dahilan ng pagkasawi nito, isa sa mga footage ay inilabas na ng Nueva Ecija Provincial Police.

Sa video sa harap ng tanggapan ng Shell Gasoline Station sa barangay Marcos, Talavera, makikita ang paglitaw ng lookout na isang lalaki na nakasuot lang ng T-shirt, shorts at sumbrero.

Mula sa gilid ng gasolinahan sa tapat ng Shell Mart Station, lumakad ito at huminto sa isa sa mga haligi at tinanaw ang kulay gray Isuzu MUX sa gawi ng passenger’s seat kung saan nakapwesto si Mary Anne. Pagkatapos kumpirmahin ang target ay dali-dali itong bumalik sa pinanggalingan.

Makikita sa CCTV footage ang lookout na nakatanaw sa sasakyan ni Mary Anne Hernandez.

Makaraan ang mahigit kalahating minuto, sumunod na lumabas sa video frame ang gun man, naka-jacket at pantalon ito. Dire-diretsong naglakad ang suspek palapit sa sasakyan, binunot sa bulsa ang baril at ikinasa ito.

Pagtapat sa kinauupuan ni Meanne, dalawang hakbang ang layo at tsaka ito nagpaputok ng sunud-sunod. Lumapit pa ito at itinutok sa bintana ng sasakyan ang baril habang patuloy ang pamamaril sa gawi ng ulunan ng biktima.

Habang nagpapaputok ang gun man, mapapansin sa likod ang pagdating at pagparada ng motorsiklo. Matapos maisagawa ang krimen, mabilis na tumakbo palayo sa sasakyan ng biktima ang suspek, umangkas sa naghihintay na motor at tumakas patungong hilagang direksyon.-Ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *