PAMELA VIERNES, NAGING EMOSYONAL SA KANYANG PAGKAPANALO BILANG MUTYA NG PEÑARANDA 2015

Magkahalong gulat at tuwa ang nararamdaman ni Pamela Viernes, matapos siyang tanghalin bilang Mutya ng Peñaranda 2015. Kaya’t ganoon na lamang ang pasasalamat niya sa lahat ng sumuporta at nagtiwala sa kanyang kakayahan.

Hindi napigilang mapaluha ni Pamela Viernes matapos siyang tanghalin bilang Mutya ng Peñaranda 2015 na ginanap ang Coronation Night noong ika-29 ng Mayo sa Peñaranda Town Plaza.

Hindi inasahan ni Pamela na siya ang magwawagi sa nasabing patimpalak dahil sa galing ng kanyang mga katunggali pero pinatunayan niya sa lahat na karapat-dapat siya para sa korona.

Unang inirampa ng mga kandidata ang kanilang Casual Wear. Kasunod nito ay ang inaabangan ng mga kalalakihan, ang Swim Wear kung saan nagpatalbugan ang mga dilag sa pagsuot ng kanilang two-piece swimsuit.

Sa ikatlong bahagi naman ng elimination round ay nagpasiklaban ang mga ito sa Talent Portion kungsaan iba’t ibang talento ang kanilang ipinamalas.

At para sa huling bahagi ay ipinakita naman ng mga kandidata ang pagiging sopistikada sa pagrampa ng kanilang mga naggagandahang Long Gown.

Ang iba pang mga nagwagi ay sina Little Maecy Mercado – 1st runner-up, Annebeline Bea Mercado – 2nd runner up, Sharmane Peña – 3rd runner up, Ma. Leonora Ramos – 4th runner up at Carmela Joy Parungao para sa 5th runner up.

Ang mga nagkamit naman ng special at minor awards ay sina Arielle Maningas- Miss R.N.G, carmela Joy Parungao – Miss Jerry De Alicia; Cherose Ferrer – Miss Professional; Little Maecy Mercado – Miss Friendship, Best in Casual Wear, Best in Swim Wear, at Best in Talent; at Annebeline Bea Mercado- Best in Long Gown.

Sa kabuuan ay naging matagumpay ang nasabing patimpalak sa pangunguna ni Mayor Ferdinand “Blue Boy” Abesamis na ayon sa kanya ay nasa ikadalawampung taon nang ginagawa sa kanilang bayan na pinasimulan ng kanyang pamilya at maituturing na isang legasiya nila sa Peñaranda.- Ulat ni Shane Tolentino

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *