Pamilya Bote, umapela ng tulong kay Pres. Duterte

Hustisya.

Ito ang malinaw na mensahe sa mga bitbit na placards at suot na puti at itim na damit ng mga naghatid sa huling hantungan kay Mayor Ferdinand Bote kahapon, July 10, 2018.

Bago ilibing ang labi, ay nagkaroon muna ng misa sa Bethany United Methodist Church kung saan sinariwa ng pamilya ang ala-ala ng namayapang Alkalde.

Sa emosyonal na mensahe ng anak nito na si Angelo Bote, ay nagpahatid ng pasasalamat sa mga sumuporta at paghiling ng hustisya sa kaniyang namayapang ama.

Mula sa simbahan ay bumuhos ang libo-libong taga-suporta ng napaslang na Alkalde sa paghatid nito sa huling hantungan, na kinabibilangan ng pamilya, kamag-anak, katrabaho, mga kaklase, guro at estudyante, mga kaibigan at mamamayan ng naturang bayan.

Kauna-unahan ang Alkalde na inilibing sa bagong Memorial Cemetery.

Ayon sa ilang kaanak at malapit na kaibigan ni Bote, ay mabait at tunay na maasahan ang Alkalde.

Sa kasalukuyan ay tikom ang bibig ng pulisya sa pagbibigay ng impormasyon sa pag-usad ng kaso.

Nangako naman ang pamilya na hindi sila titigil hanggat hindi nakakamit ang katarungan. Kasabay ng panawagan ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa mabilisang pag-usad ng kaso.

Matatandaan na handang magbigay ng Isang Milyong Pisong pabuya ang Pamahalaang Panlalawigan sa makapagtuturo ng mga suspek.

Napaslang si Bote matapos pagbabarilin ng gunmen habang papalabas ng tanggapan ng NIA Cabanatuan noong July 3. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *