Pamilya ng pinaslang na si Mayor Bote, nanawagan ng tulong kay Pangulong Duterte

Nanawagan ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng pinaslang na si Mayor Ferdinand Bote ng bayan ng General Tinio, Nueva Ecija.

Sa harap ng media, inihayag ni Mayvelyn Bote ang hiling sa pangulo na mapanagot ang mga salarin at may kinalaman sa pagkamatay ng kanyang asawa upang makamtan ng kanilang pamilya ang katarungan.

Ito ay matapos ng preliminary hearing sa tanggapan ni Assistant Cabanatuan City Prosecutor Francisco Macaraig sa Hall of Justice laban sa mga akusado na sina Arnold Gamboa, Florencio Suarez, Robertlyn Gumacay, Jun-jun Fajardo, tatlong hindi pa nakikilalang suspek at itinuturong mastermind sa pagpatay kay Mayor Bote na si Christian Saquilabon.

Si Atty. Paul Cuñano at ang byuda ni Mayor Ferdinand Bote na si Mayvelyn Bote.

Ayon kay Atty. Paul Cuñano, naghain ng urgent motion to recuse ang byuda ng alkalde sa Regional Prosecutor sa San Fernando City, Pampanga upang i-inhibit o pagbawalan ang lahat ng piskal sa Cabanatuan na mag-imbestiga sa kaso para matiyak na hindi magiging bias ang resulta nito.

Pangunahin sa mga dahilan ni Bote na ang abogado ng isa sa mga akusado ay anak ng isa sa mga assistant prosecutor na kasama sa mga magbaba ng desisyon.

Kilala umano ang pamilya Saquilabon sa Cabanatuan at malapit sa mga miyembro ng City Prosecutor partikular kay City Prosecutor Renato Villaroman.

Matatandaan na si Mayor Bote ay inambushed sa harap ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System noong July 3, 2018.

Tanging si Gamboa lamang ang umattend sa pagdinig ng kaso na ineskortan ng Special Weapons and Tactics mula sa Camp Olivas, Pampanga at kasalukuyang nakadetine sa Police Regional Office.

Habang si Saquilabon ay nagpadala ng abogado, samantala hindi naman nakapunta sina Gumacay at Suarez na nakakulong sa Camarines Sur provincial jail dahil sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition.

Inaasahan na bukas August 16, 2018 ay magkakaroon muli ng pagdinig sa kaso sa tanggapan ni Fiscal Macaraig.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *