Pamilya sugatan sa banggaan ng kolong-kolong at tricycle sa Sto. Domingo; binata, kalaboso sa pananalisi sa isang punerarya sa Cabanatuan City

Sugatan ang isang pamilya matapos bumangga sa kolong-kolong ang sinasakyan nilang tricycle sa kahabaan ng kalsada ng Sagaba-Baloc, Sto. Domingo.

Kinilala ang mga biktimang sina Alvin Serrano, 44 years old, driver ng tricycle, kasama ang asawa at anak nitong pitong taong gulang, residente ng Mangandingay, Muñoz.

Nagtamo rin  ng gasgas sa ulo ang driver ng kolong-kolong na si Alpha Alkazhar, singkwenta anyos, naninirahan sa Sagaba, Sto. Domingo.

Ayon kay LDRRM Officer III Marquin Sapuras, bandang ala una bente ng hapon noong December 3, 2019 parehong bumabyahe patungong Baloc ang dalawang sasakyan nang bigla na lamang kumaliwa sa munisipyo ng Sto. Domingo ang kolong-kolong kaya bumangga rito ang kasunod na tricycle.

Kaagad na rumesponde ang MDRRMO ng Sto. Domingo at nilapatan ng paunang lunas ang mga biktima at tsaka isinugod sa Sto. Domingo District Hospital.

Samantala, kalaboso ang isang binata makaraan umanong magnakaw ng ilang kagamitan ng isang estudyante sa RBN Funeral Chapels and Services sa Circumferential Road, San Juan Accfa, Cabanatuan City noong December 3, 2019.

Kinilala ang suspek na si Jaymark dela Peña y Villanueva, 24 years old at residente ng barangay Bantug Bulalo, Cabanatuan.

Base sa ulat ng Cabanatuan Police Station, dakong alas kwatro y medya ng madaling araw nang masalisihan ni dela Peña ang biktimang si Darelle Diaz y Bangayan, disi otso anyos.

Nakuha ng suspek mula sa biktima ang isang laptop computer, telepad tablet, isang gintong sing-sing, at Apple iPhone 6 cellphone.

Alas nueve trenta ng umaga nang arestuhin ang suspek at dalhin sa istasyon ng pulisya ng mga empleyado ng RBN Funeral Chapels and Services.- ulat ni Clariza de Guzman.

Watch – Pamilya sugatan sa banggaan ng kolong-kolong at tricycle sa Sto. Domingo; binata, kalaboso sa pananalisi sa isang punerarya sa Cabanatuan City


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *