PAMILYA VELOSO, NAAALARMA SA TATLONG KAHINA-HINALANG MGA LALAKI NA UMAALIGID UMANO SA KANILA

Naaalarma at nagdudulot ng takot ngayon sa pamilya Veloso ang ilang kahina-hinalang lalaki na umano’y nagmamanman sa kanilang tahanan simula pa noong May 24.

Nagsimula ang pangamba ng pamilya Veloso nang may tatlong lalaki ang nagtungo umano sa kanilang tahanan, sakay ang isang motorsiklo, noong May 24 at nagsabing nababagalan sila sa takbo ng kaso ni Mary Jane Veloso.

Nagpasabi pa umano ang mga ito sa isa sa mga kaanak ng mga Veloso na muling magbabalik upang makausap ang kanilang pamilya.

Nagawa pa umanong litratuhan ng mga naturang lalaki ang gilid ng bahay ng ina ni Mary Jane bago nilisan ang lugar.

Dahil dito, lalong tumindi ang takot ng pamilya Veloso at nagdulot ng mas maraming katanungan at pangamba.

Bunsod ng nasabing pangyayari, agad na nagpablotter at nagreport sa barangay at pulis sina Darling sa pag-asang hindi na ito mauulit.

Ngunit ayon kay Darling, kamakailan lamang muling bumalik ang takot sa dibdib ng kanilang pamilya nang sa pangalawang pagkakataon ay muling mamataan ang tatlong lalaki na tila nagmamasid  sa paligid sakay ng isa nanamang motorsiklo at huminto di kalayuan sa kanilang bahay.

Panawagan ngayon ng pamilya Veloso sa kinauukulan na kung maaari ay mabigyan ng seguridad para sa kaligtasan ng kanilang buong pamilya.- Ulat ni Shane Tolentino

 

 

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *