Pangarap na tulay at iba pang proyekto sa Bayan ng Gabaldon, binigyang katuparan ng Pamahalaaang Panlalawigan

Konkretong tulay sa Bugnan River, Barangay Bugnan, Gabaldon, Nueva Ecija, handog ng Pamahalaang Panlalawigan
Konkretong tulay sa Bugnan River, Barangay Bugnan, Gabaldon, Nueva Ecija, handog ng Pamahalaang Panlalawigan

Kung noon ay kalbaryo para sa mga mamamayan ng Barangay Bugnan sa Bayan ng Gabaldon ang pagtawid sa ilog gamit ang balsa makarating lamang sa kalapit barangay, ngayon ay isa ng konkreto ang kanilang pangarap na tulay, handog sa kanila ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Kapitan Reymundo De Leon ng naturang barangay, kailangan pa nila noong tumawid sa ilog gamit ang mga pinagdugtong-dugtong na interior o kawayan na kung tawagin nila noon ay Super Ferry, upang dalhin ang kanilang mga inaning gulay sa Pamilihang Bayan upang ibenta, na nagdudulot ng pagbaba ng presyo ng kanilang mga produkto.

Magastos at hirap din aniya ang mga estudyante sa pagpasok sa eskwelahan dahil namamasahe pa ang mga ito sa pagtawid ng ilog sa halip na lakarin na lamang ang kanilang paaralan, ngunit nang magawa na ang tulay ay malaking ginhawa na sa kanila ang paglabas at pasok sa kanilang barangay.

Malaking bagay din naman para sa mga mamamayan ng Barangay Bagting ng nasabing bayan, ang pagpapahukay ng Pamahalaang Panlalawigan sa Segum Creek na dinadaluyan ng mga tubig ulan o tubig baha.

Segum Creek sa Barangay Bagting, Gabaldon, Nueva Ecija na pinahukay ng Pamahalaang Panlalawigan upang mabigyang daanan ang malaking volume ng tubig
Segum Creek sa Barangay Bagting, Gabaldon, Nueva Ecija na pinahukay ng Pamahalaang Panlalawigan upang mabigyang daanan ang malaking volume ng tubig

Ayon kay Kapitan Edwin Lacandoza, malaki ang pangamba ng mga mamamayan sa kanilang lugar tuwing darating ang tag-ulan dahil malalaking bato at malaking volume ng tubig ang maaaring tumama sa kanilang mga kabahayan, ngayon ay nabawasan na umano ang kanilang mga pangamba dahil sa katugunan ng Pamahalaang Panlalawigan.

Naiiyak namang nagpasalamat sa Gobernador si Barangay Tanod Willie Azocena, ayon sa kanya dahil sa pagpapahukay sa kanilang creek ay nailayo sa bingit ng kapahamakan ang ilan sa kanilang mga kabarangay mula sa malalaking bato at malakas na bulusok ng tubig kapag tag-ulan.

Pasasalamat din ang tinuran ng mga mamamayan ng Barangay Bagong Sikat at Barangay Bugnan dahil sa mga kalsadang naipagawa sa kanilang mga lugar patungo sa mga kalapit na barangay.

Barangay Road ng Bagong Sikat, Gabaldon, Nueva Ecija mula sa Provincial Government
Barangay Road ng Bagong Sikat, Gabaldon, Nueva Ecija mula sa Provincial Government

Ang dati kasing baku-bako at mapuputik na daanan noon, ngayon ay pawang mga sementado na, na kanilang nagagamit sa pang-araw araw na pakikipagkalakal sa mga kalapit na lugar.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *