Pantabangan, kampeon sa 1st Street Dance Competition ng Nueva Ecija Harvest Festival

Mayamang kultura at talento sa pagsayaw ang ipinamalas ng iba’t ibang bayan at eskwelahan sa lalawigan ng Nueva Ecija sa 1st Street Dance Competition ng Harvest Festival na inorganisa ng SM Cabanatuan, noong linggo, September 29, 2019.

Itinampok ng anim na grupo ang kanilang mga ipinagmamalaking produkto sa pamamagitan ng pagiging malikhain at todo bigay na paghataw sa pag-indak.

Ito ay kinabibilangan ng San Leonardo Street Dance Company, Brgy Malbang, Pantabangan, Talugtug National High School, Galaw Uhay Dance Company, Mallorca National High School Dance Troupe at Nueva Ecija National High School (NENHS).

Ayon kay SM Cabanatuan Assistant Mall Manager Jay Ar Padilla, hangad nila na sa pamamagitan ng ganitong gawain ay makatulong sila na lalo pang mapayabong ang turismo sa lalawigan.

Brgy. Malbang, Pantabangan ang wagi sa 1st Street Dance Competition ng Harvest Festival. (Photo Courtesy: SM City Cabanatuan)

Itinanghal na kampeon ang Brgy Malbang Pantabangan dahil sa mahusay na pagpapakita ng kanilang pangunahing hanapbuhay na pangingisda na tinawag na Pandawan Festival.

Nakapaguwi ang grupo ng cash prize na P50,000.

Nasungkit naman ng Nueva Ecija National High School (NENHS) ang ikalawang pwesto at nakakuha ng papremyong P30,000.

Habang, pumuwesto sa ikatlo ang Mallorca National High School Dance Troupe na nagkamit ng P20,000.

Nakatanggap naman ang bawat koponan ng consolation prize na P15,000, ang Galaw Uhay Dance Company, San Leonardo Street Dance Company at Talugtug National High School.

Pinuri at pinasalamatan ni Provincial Tourism Officer Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro ang mall sa inisyatibo na tulungan ang Pamahalaang Panlalawigan na paunlarin ang makulay na turismo ng Nueva Ecija.

Umaasa ang pamunuan na sa susunod na taon ay mas maraming kalahok ang sasali at makikiisa sa naturang kompetisyon. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *