PDRRMC, nakahanda na sa pagdating ng Bagyong Ompong

Nakahanda na ang Provincial Risk Reduction Management Council sa pangunguna ni Governor Cherry Umali sa pagdating ng Bagyon Ompong sa bansa. Ayon sa PDRRMC hindi man anila ito direktang tatama sa Nueva Ecija ay makapagpapalakas naman ito sa habagat na magdadala ng pag-uulan sa buong lalawigan ng Nueva Ecija.

Lunes pa lamang ay nag convene na ang PDRRMC upang mai-poste ang mga personnel, maihanda ang evacuation center sa tulong ng DepEd at mabilang ang mga equipment, gamot at relief upang mapaghandaan ang paparating na Bagyong Ompong.

Base sa forecast ng PAGASA ang bagyo ay inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility Miyerkules ng hapon at tatama sa Cagayan-Batanes area. Maaapektuhan ng pag-uulan at malakas na hangin ni Ompong ang lagay ng panahon sa Extreme northern Luzon, Nothern Luzon at ilang parte ng Central Luzon habang ang Habagat naman ang magiging sanhi ng pag-uulan sa iba pang bahagi ng bansa.

Isa sa pinaka tinutukan sa assessment ay ang lagay ng mga palay sa lalawigan dahil isa sa pinaka malaking naapektuhan sa lalawigan ng Nueva Ecija ay ang agrikultura.

Ayon kay OPA Chief Serafin Santos nasa 7 % lang ang maaani dahil karamihan sa mga tanim na palay ay nasa vegetation stage pa lamang at nagsusuhi.

Ipinaliwanag naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Executive Officer Michael Calma na kasalukuyan pa lang bumabawi ang mga magsasaka na nasalanta ng nakaraang mga pag-ulan na hatid ng habagat.

Sa direktiba ni Provincial Director Eliseo Tanding naka full alert ang 2,300 kapulisan sa lalawigan upang mag rescue kung sakaling kakailanganin at inihanda na rin ng Provincial Health Office at PGSO ang mahigit 1,500 mga relief goods at mga gamot. Mananatiling naka monitor ang PDRRMC dahil inaasahan na sa mga araw ng Biyernes, Sabado at Linggo mararanasan ang hagupit ng Ompong sa ating bansa.

Sa kasalukuyan ay patuloy na lumalapit sa bansa si Bagyong Ompong at inaasahan ang patuloy nitong pag lakas at posibleng pagdaan sa Extreme Northern Luzon.- Ulat ni Amber Salazar


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *