Peace and order sa Nueva Ecija, mas paiigtingin sa pamamagitan ng Patrulya ng Bayan

Mahalaga ang masinsinang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga barangay personnel upang mas mapaigting ang kapayapaan at kaayusan sa bawat komunidad, ito ang pahayag ni Police Senior Superintendent Leon Victor Rosete, Provincial Director ng Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO sa launching ng Patrulya ng Bayan.

Ayon kay PSSupt. Rosete, sa tuwing may mga kaguluhan sa bawat lugar ay pangunahing rumeresponde dito ang mga barangay personnel at unang umaayos ng problema.

Pinuri rin nito ang mga barangay personnel dahil sa pagbabantay at pagpapatrolya sa kani-kanilang lugar umaraw man o umulan upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.

Sinabi ni Rosete sa aming panayam sa kanya na dahil sa lawak ng Nueva Ecija at limitado lamang ang bilang sa kanilang hanay ay kinakailangan nila ng makakatuwang upang mabantayan ang katahimikan at kaayusan sa bawat sulok ng lalawigan sa tulong ng mga namumuno sa barangay.

Dagdag ni Rosete, sakali man na magkaroon ng mabigat na engkwentro o disgrasya sa hanay ng mga kapulisan o maging sa hanay ng mga nagpapatrolya ay handa ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali upang umagapay at magpaabot ng tulong para sa kanila.

Nagpahayag naman ng pagsuporta si Bokal Ariel Matias, Presidente ng Liga ng mga Barangay sa Nueva Ecija sa inilunsad na programa para sa mas ikauunlad ng bawat komunidad.

Nagbigay din ng paalala ang Provincial Director sa publiko na mag-ingat sa mga kawatan at masasamang loob ngayong holiday season dahil sa panahong ito aniya lumalabas at nanamantala ang mga oportunista.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Peace and order sa Nueva Ecija, mas paiigtingin sa pamamagitan ng Patrulya ng Bayan

https://youtu.be/hzN15-4_ydE


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *