Pellet Feeds na gawa sa ipil-ipil at indigofera para sa mga alagang kambing, ipinakilala ng CLSU sa mga magsasaka

Maging tuluy-tuloy ang pagkain ng mga kambing sa buong taon anuman ang panahon, ito ang layunin ng CLSU o Central Luzon State University sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa paglikha ng forage-based pellet feeds na ipinakilala nila sa ilang mga magsasaka nitong April 19 sa ginanap na Farmers Field Day sa CVC Farm sa Brgy. Nieves, San Leonardo.

Ayon kay Dr. Edgardo Orden, isa sa mga bumuo nito, nais nilang matugunan ang problema ng mga nag-aalaga ng kambing pagdating sa pagkain nito. Aniya, hindi sapat ang pagkain ng mga kambing kapag tag-init habang sobra-sobra naman kapag tag-ulan.

Kaya naman naisipan nilang gawing pellet feeds ang mga sobrang pagkain upang maiimbak ito at magamit kapag kulang na sa supply.

Dagdag pa nito, ang naturang pellet feeds ay binubuo ng pangunahing sangkap na ipil-ipil, indigofera at iba pang mga minerals.

Ayon naman kay Dr. Maria Excelsis Orden, director ng research office ng CLSU, nadagdagan ang produktibidad at mas lumaki ang mga kambing na pinakain ng pellet feeds kumpara sa mga kambing na kumain ng ordinaryong forage o damo base sa ginawa nilang pag-aaral.

Pahayag pa nito, mas madali rin ang pagpapakain ng pellet feeds sa mga kambing kaysa sa pagsasakate sa bukid. Maiiwasan din aniya ang exposure ng mga kambing sa parasites na nasa mga damuhan. 

Nagbigay naman ng testimonya si Conrado Castillo, may ari ng CVC Integrated Farm at farmer partner ng CLSU na sinubukan ang pagpapakain ng pellet feeds sa kanyang mga kambing sa loob ng tatlong buwan.

Positibo naman aniya ang naging epekto nito sa mga alaga niyang kambing at mas lumakas ang mga itong kumain.

Ang research ng CLSU para sa naturang pellet feeds ay nagsimula noong 2010 hanggang 2012. Katuwang nila rito ang PCAARRD o Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development na nagbigay ng pondo para sa naturang proyekto.

Bukod dito ay nakalikha rin ang CLSU ng portable peletizing machine na may kakayahang makagawa ng 150 hanggang 160 kilos ng pellet feeds kada oras.

Samantala, bukas naman ang nasabing unibersidad para sa mga mamumuhunan na nais makipag-ugnayan sa kanila para sa proyektong pellet feeds at pelletizing machine. Ang mga interesado ay maaari aniyang bumisita sa kanilang opisina sa CLSU. –Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *