PESO – Nueva Ecija, nagsagawa ng training sa mga LGUs upang makaiwas sa mga illegal recruitment

Ipinaliwanag sa isinagawang Anti-Illegal Recruitment Seminar noong Lunes, October 28, 2019 na ginanap sa Sierra Madre Suites sa Palayan City ang mga dapat gawin para makaiwas sa illegal recruitment ang mga Novo Ecijano.

Sa presentasyon ni Atty. Angelo Fulgencio ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA, inilahad niya ang limang modus operandi ng mga illegal recruiters na ginagamit sa panloloko.

Kabilang sa mga binanggit nito ay pangakong malaking sweldo o di kaya ay mabilisan na pagpapa-alis papunta ng ibang bansa; ang pagpapagawa agad ng medical examination o seminar; pakikipag-transaksiyon sa mga aplikante sa mga pampublikong lugar tulad ng nga mall at restaurant; pagbabahay-bahay para makahikayat ng mga aplikante at ang pagsasabi na may kausap silang direct employer at hindi na dadaan pa sa POEA.

Aniya ito ang mga kadalasang ginagawa o sinasabi ng mga illegal recruiter dahil ito ang mabilis makahikayat at makasilaw ng mga aplikante kaya nagpaalala siya na kapag nakaranas ng ganito ay mag-report sa mga kinauukulan para maaksyunan agad at hindi na makapanloko pa ng tao.

Ang nasabing seminar ay inorganisa ng Public Employment Service Office o PESO – Nueva Ecija katuwang ang pamahalaang panlalawigan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang POEA, Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Nauna na rito ay nagkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng provincial government sa katauhan ng ama ng lalawigan, Governor Aurelio Umali at mga nabanggit na national agencies para sa kampanya kontra illegal recruitment dito sa lalawigan.

Sa mensahe ng gobernador, sinabi nito na sana sa pamamagitan ng kasunduang nilagdaan ay mas matulungan pa ang mga kababayan natin na maiangat at mapaunlad ang kanilang pamumuhay. – Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *