PFC, namimili na muli ng palay sa mga magsasakang Novo Ecijano

Ngayong buwan ng Marso, nagsimulang muli sa pamimili ng palay ang pamahalaang panlalawigan sa mga magsasakang Novo Ecijano.

Mahigit dalawampong libong magsasakang benepisyaryo mula sa apat na distrito ang navalidate ng Provincial Food Council.

Kabilang si Nanay Myrna Balbin ng Barangay Calaocan, San Jose City na umani ng isangdaan at tatlumputpitong sako ng palay na unang nabilhan ngayong taon ng kapitolyo.

Base sa 21.1 percent na moisture content ng kanyang inaning palay ay nasa P16.50 per kilo ang presyo nito, ngunit bilang pangunahing layunin ng PFC ang makatulong sa mga magsasaka ay binili ito sa halagang P17.00 kada kilo katulad ng umiiral na kalakarang presyo ng palay sa kanilang lugar.

Malaking bagay aniya ang pagbili ng kapitolyo sa kaniyang mga inani dahil makakabayad na ito sa kaniyang mga inutang na puhunan.

Nagpapasalamat din ito kay Governor Aurelio Umali dahil sa pagkakatatag nito ng Provincial Food Council para umalalay sa kanilang mga magsasaka na naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay.

Kabilang din sa nabilhan ng palay si tatay Marcos Agustin mula sa Barangay Camanacsacan, na umani ng dalawamput anim na cavan sa kaniyang mahigit isang ektaryang sakahan.

Malaking tulong aniya na nabili ng P17.50 per kilo ng kapitolyo ang kaniyang palay. Idinaing din nito ang kawalan ng pinagkukunan ng supply ng patubig ng kanyang sakahan.

Kaya naman nagtitiyaga lamang ito sa pagbili ng krudo na ginagamit upang makasipsip ng tubig na nanggagaling sa balon.

Hiling nito na sana ay matugunan ng pamahalaang palalawigan ang kaniyang problema, dahil maraming taon na raw na ganito ang laging sistema sa kanilang lugar sa tuwing sasapit ang taniman. Ulat ni Myrrh Guevarra

Wacth – PFC, namimili na muli ng palay sa mga magsasakang Novo Ecijano


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *