PGNE, maaari nang gamitin ang warehouse ng Agricultural Credit Policy Council upang paglagakan ng mga mabibiling palay sa mga magsasaka

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan sa Ika-18 Regular Session ang kahilingan ng Provincial Government na pumasok sa isang kasunduan kasama ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na isang ahensya ng Department of Agriculture (DA) upang mahiram ang kanilang bakanteng warehouse na matatagpuan sa Brgy Mayapyap, Cabanatuan City.

Ang bodega ay paglalagakan ng mga mabibiling palay sa mga magsasaka sa ilalim ng Palay Price Support Program ng Kapitolyo.

Ayon kay Dr. Jobeat Agliam, Representative ng Office of the Provincial Agriculturist, ang lumang warehouse ay libreng magagamit ng Kapitolyo.

Ngunit, nangangailangan ito ng pagpapakumpuni upang maayos na magamit.

Dagdag pa niya, ang kasunduan ay tatagal hanggang June 2022. Kaya’t malaking katiparan umano kumpara sa magiging gastos ng pamahalaan kapag nangupahan ng pribadong warehouse.

Sa mosyon ni Committee on Agriculture and Cooperatives Chairman BM Rap-Rap Villanueva ay sama-samang nagkasundo ang mga miyembro ng Sanggunian na payagan ang nasabing kahilingan. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *