PGNE, makatatanggap ng 2 units ng Multi Grain Mobile Fast Dryer mula sa DA

Makatatanggap ng dalawang units ng Multi Grain Mobile Fast Dryer ang Provincial Government ng Nueva Ecija mula sa Department of Agriculture bilang suporta sa Palay Price Support Program sa ilalim ng binuong Provincial Food Council ni Governor Aurelio Umali.

Sa ika-labing anim na regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay binigyang permiso ang Provincial Government sa katauhan ni Governor Aurelio Umali na makipagkasundo sa DA Regional Field Office III para sa implementasyon ng Rice Mechanization Program: Provision of Agricultural Production, Postharvest and Processing Machinery and Equipment to Qualified Recipient.

Ayon kay Engineer Jovita Agliam ng Provincial Agriculturist Office, ang dalawang unit ng dryer ay nagkakahalaga ng Php2-M bawat isa, na gagamitin sa pagpapatuyo ng mga pinamiling palay ng pamahalaang panlalawigan.

Aabot umano ang kapasidad nito sa siyam na metriko toneladang palay at mas mabilis ang moisture reduction o pagpapatuyo na umaaabot lamang ng tatlo hanggang limang oras kumpara sa normal na drying facility na nasa walo hanggang sampong oras.

Ani Engr. Agliam, fuel fed o ginagamitan ang naturang dryer ng diesel at may sarili rin itong generator kaya maaaring ilipat sa ibang lugar, ngunit dahil sa may kalakihan ito ay mahihirapan itong ibyahe sakali mang may humiram ditong mga magsasaka.

Sinabi ni Agliam na mayroon na ring naipamahaging dryer na kaparehas nito sa mga farmer organizations sa lalawigan ngunit mas maliit ang kapasidad nito na nasa limang metriko tonelada lamang.

Sa kasalukuyan aniya ay may apat nang gumaganang pasilidad sa Palayan Grain Drying Facility na may kapasidad na tig-12 metric tons at malaking tulong ang karagdagang dalawang units ng dryer mula sa DA bilang suporta sa pamimili ng palay ng kapitolyo.

Kasunod nito ay binigyang pagkilala ng August Body ang Php4, 000, 000 mula sa DA bilang premyo ng probinsya sa pagiging Top Performing Province sa 2018 Rice Achiever Awards na gagamitin para sa rehabilitasyon ng mechanical dryers ng Nueva Ecija Grain Center.

Ngunit dahil sa dalawang unit ng dryer na idodonate ng DA ay maaari umanong gamitin ang naturang halaga para sa pinaplanong rice mill ng provincial government, ayon kay Agliam.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *