Php 200-Million, inisyal na pondo ng pamahalaang panlalawigan sa pagbili ng palay

Naglaan ng dalawang daang milyong pisong pondo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali para sa pagbili ng palay ng mga maliliit na magsasaka sa darating na anihan sa October 2019.

Sa panayam kay Governor Umali, inihayag nito na nakahanda na ang pera sa bangko para sa pagbili ng mga aanihing palay ng mga lokal na magsasaka.

Kasunod nito, nilagdaan na ng gobernador, ang Executive Order No. 05 series of 2019 na may petsang August 14, 2019 na nagtatatag sa Nueva Ecija Provincial Food Council na naglalayong matulungan ang mga magsasakang malubhang naapektuhan ng pagbaba ng presyo ng palay dahil sa Rice Tarrification Law.

Ang Council ay pamumunuan ni Governor Umali bilang chairman habang ang mga miyembro nito ay binubuo ng chairman ng Sangguniang Panlalawigan Committee on Agriculture, Presidente ng League of Municipalities of the Philippines- Nueva Ecija Chapter, mga representative mula sa Department of Agriculture, Regional Field Office III, Development Bank of the Philippines, Palayan City Branch, Philippine Rice Research Institute o PhilRice, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech, kabilang din ang isang kinatawan na inaappoint ng chairman mula sa Academe, Religious, Agri-business at Local farmer organization habang magsisilbi naman bilang observers ang representante mula sa Commission on Audit at Local Media Group.

Sila ang magsisilbing overall coordinating body upang maproteksyunan at maiangat ang industriya ng agrikultura sa probinsya.

Sa pamamagitan ng Food Council na may inisyal na pondong nagkakahalaga sa dalawang daang milyong piso ay bibilhin ng Kapitolyo sa mas mataas na presyo ang mga aning palay ng mga Novo Ecijanong magsasaka.

Tinatayang nasa apatnapong porsyento ng mga aning palay sa probinsya ang mabibili ng Provincial Food Council na gigilingin upang maging bigas at ibebenta sa murang halaga.

Ngunit ang mga aning palay lamang ng mga magsasakang may tatlong ektaryang binubukid pababa ang bibilhin ng Kapitolyo base sa ilalabas na listahan ng mga pangalan ng mga magsasaka at bilang ng ektaryang sinasaka sa lalawigan.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *