Php1.5-M halaga ng mga alahas, natangay sa isang rice mill sa San Leonardo; Number 1 Sibat Target, nadakip

Umaabot sa isa’t kalahating milyong piso ang halaga ng mga alahas na natangay ng mga kawatan sa loob ng compound ng Victor del Rosario Rice Mill sa barangay Diversion, bayan ng San Leonardo.

Kinilala ang may-ari ng mga nanakaw na gintong hikaw, kwintas, bracelet at mga sing-sing na si Ruth Songalia y del Rosario, 40-anyos, may asawa, businesswoman at residente ng naturang lugar.

Ayon kay del Rosario, bandang 11:20 ng umaga noong June 17, 2019, pumunta sya sa kanyang kwarto at doon nya nalamang nawawala ang kanyang dalawang petty case vault na naglalaman ng kaniyang mga alahas.

Natuklasan sa mga CCTV footages na 2:00 ng madaling araw nang pasukin ng tatlong kalalakihang nakatakip ng  damit ang mga mukha ang bintana ng banyo.

Sa isinagawang imbestigasyon at operation ng San Leonardo Police Station, naaresto ang tatlong binatang suspek na sina Bryan Esparagoza y Ligahe, 18 years old; Anjo Loque y Cuenca, disi otso anyos; at Justine Credo y Bocter na lahat ay naninirahan sa Diversion, San Leonardo.

Nasamsam sa mga suspek ang dalawang case vault ngunit wala na roon ang mga alahas ng biktima.

Samantala, nadakip sa isinagawang Manhunt Operation ng Genaral Tinio Police Station ang Number 1 Sibat Target ng Nueva Eija Police Provincial Office.

Kinilala ang suspek na si Rennel Pelayo y Melgar, 17-anyos, binata at residente ng barangay Pias, General Tinio.

Base sa report ng pulisya, dakong 12:30 ng hapon noong June 18, 2019, inaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Judge John Voltaire Venturina ng Municipal Trial Court ng nasabing bayan para sa kasong Attempted Homicide na may May 14, 2019 at rekomendadong pyansang Php12,000.00.

Si Pelayo ay nasa kustodiya ngayon ng istasyon ng pulisya ng General Tinio. –ulat Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *