PHP136-M na halaga ng mga proyekto, ipinanukala ni Governor Cherry Umali sa PDC

Inaprubahan na sa huling Joint Meeting ng Provincial Development Council, Provincial Peace and Order Council at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council noong Martes, June 25, 2019 sa ilalim ng termino ni Governor Czarina “Cherry” Umali ang proposed Supplemental Annual Investment Plan para sa taong 2019.

Sa presentasyon ni Engr. Dennis Agtay, hepe ng Provincial Planning and Development Office, isa sa mga prayoridad na proyekto sa Supplemental AIP ay ang pagtatatag ng Emergency and Rescue Telecommunication Network na magsisilbing command center ng PDRRMO at PHO na paglalaanan ng kabuuang budget na P50-M.

Nasa P15-M naman ang ilalaan para sa pagpapagawa ng PDRRMO Headquarters sa compound ng Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO.

Bagamat naisama na ang naturang proyekto sa 2018 AIP ay nagkaroon ng pagkaantala sa pagpapatayo ng gusali bunsod ng pagbabago sa disenyo nito.

Kasama rin sa mga proposed projects ay ang P12.8-M na gagamitin  sa Site Development ng Nueva Ecija Asphalt Batching Plant sa bayan ng General Natividad na naitayo pa noong 2018 at napakikinabangan hanggang sa kasalukuyan.

P40-M naman ang ilalaan para sa Livelihood Development Assistance Program kung saan kabilang dito ang goat propagation, P6-M naman ang gagamitin para sa pagbili ng karagdagang apat na ambulansya para sa mga District Hospitals dito sa lalawigan, at P5-M para sa mga kagamitang kailangan para sa katatapos lang na Drug Rehab Center sa Palayan City.

Habang mahigit P5.6-M naman ang ilalaan para sa konstruksyon ng Four-Barrel Box Culvert sa Brgy. San Alejandro, Quezon, Nueva Ecija at pagsasaayos ng Marawa Bridge sa kahabaan ng Jaen-Zaragoza Road.

Matapos maaprubahan ang mga nasabing proyekto sa Joint Meeting ay dadalhin na ito sa Sangguniang Panlalawigan para isailalim sa deliberasyon at maisama sa Annual Investment Plan for 2019. – Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *