Php2-B, dagdag pondo para sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan

Maglalaan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ng dalawang bilyong piso bilang karagdagang pondo para sa mga programa at proyekto ng kapitolyo.

Kahapon ng umaga, January 29, 2020 ay pumasok sa isang kasunduan ang provincial government sa katauhan ni Governor Aurelio Umali at Development Bank of the Philippines o DBP para sa Php2-B na Loan Agreement.

Isang bilyon rito ang iuukol para sa Palay Price Support Program at ang natitira pang isang bilyon ay para naman sa mga proyektong pang-imprastraktura gaya ng rice mill facility at isang provincial government-owned and controlled commercial establishment na pinaplanong itayo sa bayan ng Talavera .

Ayon kay Governor Umali, ang naturang establisyimento ay itatayo  sa 11 ektaryang lupain sa Talavera kung saan anim na ektarya rito ay pag-aari ng pamahalaang panlalawigan habang ang limang ektarya naman ay sa nasabing bayan.

Paliwanag ng gobernador, naniniwala siya na ang pagtatayo ng ganitong klaseng establisyimento ay malaki ang maitututlong sa ekonomiya ng probinsya at ang mga kikitain rito ay maaaring makatulong pambayad sa mga loan ng pamahalaang panlalawigan.

Naniniwala naman sina DBP Executive Vice President and OIC for Development Lending Sector Jose Gabino Dimayuga at DBP Chairman Alberto Romulo na mahalagang matulungan ang mga magsasaka sa lalawigan dahil isang hakbang aniya ito para sa tuloy-tuloy na pag-unlad hindi lang ng Nueva Ecija kundi ng buong bansa.

Tiniyak din ni Chairman Romulo na patuloy ang gagawing pag-agapay ng DBP sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga magagandang proyekto nito na malaki ang naitutulong sa mga Novo Ecijano. –Ulat ni Jessa Dizon

https://youtu.be/2D-Ob0e6BJ4


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *