Php40-M Military Headquarters at Tactical Operations Center, ipatatayo sa Fort Magsaysay Military Camp

Sisimulan na ang konstruksyon ng dalawang palapag na 7th Infantry “Kaugnay” Division Headquarters Building at Tactical Operation Center na nagkakahalaga ng higit Php40-million, sa Fort Ramon Magsaysay Military Camp, matapos ang isinagawang groundbreaking na pinangunahan ni Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Mark Villar, noong February 28.

Ayon kay Sec. Villar, ang 2000 square meter headquarters ay bahagi ng Php200-million projects na itatayo sa Fort Magsaysay sa ilalim ng Calendar Year 2020 Convergence Program ng DPWH at Department of National Defense o DND na tinawag na “Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad” o TIKAS.

Ang naturang proyekto ay bahagi ng komprehensibong “Build, Build, Build” program ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Papalitan ng two-storey building na ito ang nasa mahigit nang limampung taong headquarters ng 7ID na gagawin namang museum.

Kung dati ay wala umanong nakalaang programa para sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng kasundaluhan, ngayon ay malaking halaga ang inilaan ng kasalukuyang administrasyon para dito.

Sinabi ni Villar na mayroong infrastructure projects ang lahat ng base militar sa bansa bilang tugon sa kanilang matinding pangangailangan sa mga bagong pasilidad.

Aniya, ito’y bahagi din ng pasasalamat at pagkilala sa sakripisyo ng mga sundalo upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Inaasahang matatapos ang pagtatayo ng headquarters sa Disyembre ngayong taon at maliban dito ay lima pang proyektong pang-imprastraktura ang gagawin at itatayo sa naturang base militar na target ding tapusin ngayong 2020.

Kabilang dito ang 4-storey Transient Facility at 2-storey Administration Building sa Light Reaction Regiment o LRR, dalawang units (1-storey at 2-storey) building na Barracks para sa Special Forces Regiment (Airborne) Enlisted Personnel, 1-storey Hangar sa Army Aviation Battalion at pagpapagawa ng 7.261-kilometer Road Network na magkokonekta sa LRR, Special Forces hanggang Molave Complex.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Php40-M Military Headquarters at Tactical Operations Center, ipatatayo sa Fort Magsaysay Military Camp


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *