Pinakamalaking kesong puti, tampok sa 12th Gatas ng Kalabaw Festival

Pinagsalu-saluhan sa bayan ng Talavera ang pinakamalaking kesong puti sa lalawigan na tampok sa pagdiriwang ng 12th Gatas ng Kalabaw Festival kasabay ng selebrasyon ng Linggo ng Magsasaka ng nasabing bayan.

Sabay-sabay hiniwa nila Mayor Nerivi Santos kasama ang LGU ng Talavera, DTI, DAR, PCC ang pinakamalaking kesong puti sa lalawigan na ibinida sa 12th Gatas ng Kalabaw Festival.

Ang naturang keso ay may sangkap na 400 kgs ng sariwang gatas. Ito ay pumapalo sa bigat na 100 kgs at may sukat na 180 cm by 112 cm at may taas na 4 cm.

Ang Festival na may temang “Masaganang buhay ng magsasaka para sa maunlad na bayan ng Talavera” ay matagumpay na nailunsad dahil sa pagtutulungan ng LGU o local government unit, DAR o Department of Agrarian Reform, DTI o Department of Trade and Industry at PCC o Philippine Carabao Center.

Ayon kay Arnel del Barrio, Executive Director ng PCC, taun-taong ginaganap ang Gatas ng Kalabaw Festival sa iba’t-ibang lugar sa Nueva Ecija upang isulong ang industriya ng pagkakalabaw sa lalawigan.

Pahayag naman ni DTI Regional Director Brigida Pili, layunin nilang itaguyod ang gatas ng kalabaw sapagkat 1% lamang nito ang kayang iproduce ng Pilipinas habang ang 99% ay inaangkat pa mula sa ibang bansa.

Kaugnay nito ay nagkaroon din ng milk toss ceremony o tagay pugay kung saan sabay-sabay na uminom ng gatas ng kalabaw ang mga bata at iba pang mamamayan sa bayan ng Talavera kasama ang LGU, DAR, PCC at DTI.

Samantala, inanunsyo naman ni Mayor Nerivi Santos na magkakaroon ng Kesong Puti Festival ang kanilang bayan sa susunod na taon. Plano aniya nilang gumawa ng titulo sa Guiness World Records. –Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *