CRT BLUE FOX, KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAONG MAGING KAMPEON SA NECSL WOMEN’S VOLLEYBALL

     Nagbunyi ang CRT Blue Fox sa kanilang kauna-unahang pagkakataong paghahari para sa Women’s Volleyball matapos talunin ang Wesleyan Riders noong November 5.

CRT BLUE FOX WOMEN’S VOLLEYBALL, NAGBIGAY NG KARANGALAN SA KANILANG ESKWELAHAN SA LOOB NG 26 NA TAON
CRT BLUE FOX WOMEN’S VOLLEYBALL, NAGBIGAY NG KARANGALAN SA KANILANG ESKWELAHAN SA LOOB NG 26 NA TAON

     Mahigpitan ang laban ng dalawang koponan sa Game 3. Simula umpisa hanggang sa huli, gigil ang mga manlalaro. Palitan lamang ang pagpuntos ng dalawang magkatunggali.

     Ang mga manonood tuloy, hindi magkamayaw sa paghiyaw para suportahan ang kani-kanilang koponan.

     Tulad ng nangyari sa Game 2 ng Finals, umabot pa rin ito ng limang set.

     Dahil sa dami ng nagawang errors ng Riders, sinamantala ito ng Blue Fox upang tuluyang umungos sa ika-apat na set.

     Pagsapit ng Set 5, hindi na pinaubra pa ng Blue Fox ang Riders.

     Dahil sa service error ni Santiago ng Riders, lalong tumaas ang tensyon sa loob ng gymnasium ng Araullo. At dahil sa pag spike ni Bautista, nakamit ng Blue Fox ang kampeonato.

     Bagaman wala ngayong taon na Cheerdance Competition kung saan sila ang back to back champion ay napalitan naman ito ng isang tagumpay na pinakahihintay nilang makamit sa loob ng 26 na taong pagkakatatag ng kanilang eskwelahan.

     Hinirang naman bilang Most Valuable Player ng NECSL Women’s Volleyball si Geraldine Bautista.

     Samantala, emosyonal ang mga manlalaro ng Riders sa kanilang pagkatalo.

     Matatandaan noong nakaraang taon, bigo rin ang Wesleyan Riders Women’s Volleyball na masungkit ang kampeonato.

     Gayunpaman, napabilang pa rin sa Mythical 6 sina Sanchez at Salas ng Riders kasama sina Cachero ng CRT, Santos ng CIC at Espenido ng La Fortuna.

     Nasungkit naman ng CIC Kings ang ikatlong pwesto at ika-apat na pwesto ang La Fortuna Spartans. – Ulat ni Shane Tolentino

PATOK PUNTAHAN: Junkyard420 Reggae Restobar

Tambayan. Batcave. Watering hole. The joint. Ilan lamang ito sa mga binabansag natin sa mga lugar na angkop na angkop pambarkada dahil sa cozy na ambiance nito,

Junkyard420 Restobar

Junky Rice. Egg fried rice with gravy and lechon macau on top

Pork Star. Served on slate-style hot rock plate

Sisig on the Rocks. With egg.

Prime Cut Steak. With special chili sauce.

 

Michael “Pekto” Mendoza, champion car racer and chef

Billy Agulto, accounting and people management

para sa karagdagang kaalaman:

Pantoc 1 Daan Sarile, Cabanatuan City

near Joevi’s Swimming Pool

Contact No. : 464 – 7229

Mobile: 0917 9666 284

 

PATOK PUNTAHAN: Red Pin Resto + Gelato

Sino nga ba naman ang mag-aakalang isang authentic na gelato o Italian ice cream ang tila bigla na lang sumulpot sa isang gas station sa Cabanatuan? Heto ang isa lamang sa mga sorpresang naghihintay sa Red Pin, na nagsilbing kitchen playground ni Big Daddy o Robert Bucy, isang Texan chef na naging close family friend ng pamilya ni Cerissa Cecilio-Soto, at nabighani sa ganda ng Cabanatuan.

Ang gelato ay ang mas makrema at mas flavorful na bersyon ng tipikal na ice cream na kinalakihan nating mga Pilipino. Sa Red Pin, hindi basta-bastang gelato ang matitikman mo dahil tunay sa prosesong sinusundan ng Italy ang paggawa dito ni Chef Big Daddy. Limitado rin ang dami na hinahanda ng Red Pin araw-araw para siguraduhing fresh at high quality ang mga gelato nito.

Pero hindi dapat mag-alala sa presyo dahil isa ito sa mga sorpresa ng Red Pin. Sa katunayan, magugulat ka sa affordable na presyo ng mga mabibili sa RedPin lalo na pagkahain sa iyo ng mga ito at pagtikim sa bawat putahe. Bukod kasi sa laki ng serving ng mga pagkain dito ay panalo talaga sa panlasa nating mga Pinoy ang mga sorpresang naghihintay sa Red Pin.

Isa sa mga paboritong flavor ng Cabanatueno ang pistachio pero highly recommended din ang chocolate at hazelnut nila. May mga walo hanggang sampung flavors sila na hinahanda kaya hindi ka mauubusan ng pagpipilian. Ang masasabi lang namin, lahat ng flavors nila ay produkto ng mabusising paghahanda at pagmamahal kaya kahit nakapikit ka pa sa pagpili, siguradong masasarapan ka sa flavor na makukuha mo. Puwede ring dalawang flavors agad para may variety.

Dahil tubong Texas si Big Daddy, isa sa mga specialty niya ang baby-back ribs na popular na lutuin sa Texas. Isa rin ito sa mga bestsellers sa Red Pin at hindi naman nakakagulat dahil makapigil-hininga ang bawat pagkagat sa rich smoked hickory na sarap nito.

Pero kung medyo nagmamadali ka pagkatapos magpa-gas sa katabing istasyon nito, huwag kalimutang orderin ang kahit ano sa mga sandwiches nila, lalo na ang tuna sandwich. Pero kung may ka-date ka o kasama mo ang pamilya o barkada, mayroon din silang mga pasta choices (huwag kaligtaan ang seafood at shrimp pasta), bukod sa iba pang patok na meal choices, kid’s meal at ilang mga putaheng nabanggit na.

Kaya kung ang hanap mo ay:

  1. Gelato o Italian ice cream na patok sa lasa at presyo. Check!
  2. Pasta at sandwiches na panalo sa lasa at bulsa. Check pa rin!
  3. Texas-style baby-back ribs na hindi mo makakalimutan sa sarap. Check na check!

Pero ang pinaka-patok sa Red Pin ay si Big Daddy. Bukod sa pagkadalubhasa niya sa kusina pagkatapos maging chef sa army at sa barko, marami pang sorpresang ipatitikim si Big Daddy sa mga parokyano ng Red Pin na hindi lamang world-class kundi budget-friendly pa.

 

Para sa karagdagang kaalaman:

Red Pin Gelato + Pasta

Bantug Caltex Station Aurora Road

Bantug Norte Cabanatuan City

Contact Nos.: (044) 4630399

Mobile: 0920 969 1044, 0925 515 1044

Email: redpin.12@hotmail.com

 

 

PATOK PUNTAHAN: Desserts Chalet

“Gusto naming dalhin yung European café experience sa Cabanatuan at sa Nueva Ecija na hindi naman kailangang gumastos ng sobra. Quality, fresh, home-cooked meals made with love,” panimula ni AJ Mallorca.

Dagdag pa ni Risa de la Cruz: “Gusto rin naming pagpasok mo pa lang sa shop, limot mo na kung nasaan ka talaga dahil pakiramdam mo kahit kakaiba ang napuntahan mo, welcome na welcome ka dito.”

 

Sino nga ba ang mag-aakala na nasa Cabanatuan ka pa rin sa sandaling makita mo na ang napaka-cute na porch ng Desserts Chalet at salubungin ka ng nakakabighaning loob nito. Nangingibabaw ang malinis at puting interiors ng lugar na akala mo’y bigla kang na-transport sa isang French cafe.

Dahil kapaskuhan nang bumisita ang Dobol P sa Desserts Chalet, bumulaga sa amin ang mga nakasabit na disenyong snowflakes at mock ice carvings habang ginigitnaan ng maliliit na topiary at pine cones ang hapag-kainan. Winter wonderland ang ambience kaya akmang-akma sa Pasko at limot mo agad ang ingay at stress ng siyudad.

Pero ang pinakamalaking sorpresa ay ang mga pastries, sandwiches at pasta na bunga ng research at pag-aaral nina chefs Risa at AJ sa Italy, Malaysia at ilan pang bansang kilala sa mundo ng pagluluto. Nang magsimula ang operasyon ng Desserts Chalet nitong Oktubre 2014, nakilala agad ang kakaibang cupcakes nila tulad ng sesame mucho, vanilla mansi, choconut nut, na ilan lamang sa mga mabilis na naging bestsellers nila.

Ang nakakatuwa, si AJ pala ang tanyag na nagpakilala ng spicy dark choco cupcake na nakilala sa Makati nang una niyang itayo ang Pastry-rific. Siya ang nagpasimula ng dark chocolate flavor na may biglaang hagod ng sili pagkagat. Ang epekto nito, nababalanse ang bittersweet na lasa ng dark chocolate kasabay ang sorpresang sipa ng anghang. Panalong-panalo ang kombinasyon na ito sa mga naghahanap ng kakaibang cupcake experience.

Tila nagiging trademark na nga rin ng Desserts Chalet ang pagdagdag ng medyo kakaibang flavor sa mga putahe nito tulad ng sekretong semi-spicy sauce ng grilled chicken sandwich nila. Gayun din ang kanilang freshly made tuna bellpepper sandwich. Linilihis nila ang mga ito ng kaunti sa nakasanayang mayonnaise o sandwich spread staple ng panlasang Pinoy at pinunukaw ang mas international at natural na lasa ng home-made sandwich.

Dahil sa metikulosong paghahanda, presentasyon, ambience at higit sa lahat sa pagkasariwa ng mga ito, matatawag na gourmet sandwiches sa mas mababang presyo ang hinahanda nina AJ at Risa para sa ikasisiya ng mga Cabanatueno. Totoo rin sa orihinal na tomato base Italian na tradisyon nito ang pasta pomodoro ng Desserts Chalet kaya “no ketchup, please!” Kung mahilig ka naman sa cream-based pasta, mayroon silang creamy chicken with mushroom na siguradong love at first bite.

Pero ang hindi mo dapat palampasin ay ang lasagna version nila dahil sila mismo ang gumagawa ng pasta nito from scratch. Kakaiba rin ang bilog na presentasyon nila nito kasabay ng sorpresa na namang spicy kick sa lasa at sarap ng lasagna.

Ngiting busog at nasarapan, yan ang siguradong mararansan mo sa unang round ng mga putahe ng Desserts Chalet. Paano pa kaya kung hainan ka ng dessert platter nila na may kasamang panna cotta, cheesecake, red velvet at mini-cupcake? Hay, paraisong nasa pinggan! Sa apat, ang panna cotta nila ang mahirap kalimutan dahil sa explosion ng iba’t-ibang texture sa iisang baso.

Hinay lang na huwag dapat madaliin ang pagsubo para namnamin mo ang subtle flavors na naglalaro sa bawat serving. Bukod sa desserts sampler nina AJ at Risa, dream-come-true ang éclair nila at chocolate truffles na may tatlong flavors sa ngayon. Mas nakakagulantang ang mababang presyo ng mga ito dahil sa kalidad ng mga raw materials at pangkalahatang preparasyon at presentasyon ng mga ito.

Kung may plano kang mag-high tea kasama ang barkada o pamilya, o kaya nama’y magmuni-muni lang mag-isa habang nag-eenjoy ng paborito mong cupcake o pastry, patok na option ang Desserts Chalet. Wala silang available na French macaron at crème brulee nang bumisita kami kaya’t may dahilan kami para bumalik sa Desserts Chalet bukod sa steaks at roasted chicken nila na hinahanda lamang nila tuwing Sabado at Linggo.

“Slow, unhurried eating” ang pangkalahatang tema kapag nasa Desserts Chalet ka. Bakit ka nga naman magmamadali kung sa lugar pa lang ay relaxing na agad ang ambience habang isa-isang nagsusulputan sa harap mo ang masasarap na panghimagas at putahe na inihahanda nina Risa at AJ.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

Desserts Chalet

General Tinio Ext, Cabanatuan City, Luzon, Philippines

AJ Mallorca, Risa dela Cruz

0998-559-6009 | 0915-7916009

https://www.facebook.com/DessertsChalet

PATOK PUNTAHAN: Cakeworks Bake Shop

Mararamdaman mo agad ang debosyon ni Charrie sa baking kapag natikman mo na ang special sansrival niya na ipinagsamang crunchy at chewy habang sumisirit sa utak at panlasa ang butter-based na topping nito. Tulad ng pangalan ng pastry, wala talagang katulad ang alat-tamis at “utterly butterly” na sensasyon na dulot ng bawat kagat dito.

Tip: Hindi sasapat ang isang slice kapag nasimulan mo na ang pagkain ng sansrival ng Cakeworks, kung kaya’t imumungkahi naming bilhin ang buong cake at magtabi na rin ng para sa sarili bago isiping ibahagi ito sa mga kaibigan o kapamilya. Ang mahalaga, hindi ka mababaliw sa kahahanap ng isa pang slice dahil siguradong magkakaubusan agad.

Lumalabas naman ang pagka-metikoloso ni Charrie sa mga dinedekorahan nitong fondant cakes at cupcakes. Kung yung iba bumibili na lang ng gawa nang toppers o dekorasyon sa cakes at cupcakes, nagsisimula from scratch naman si Charrie pagdating dito.

“Mas gusto ko ang challenge ng cake decorating. Dito kasi na-e-express ko yung artistry sa bawat detalye ng dinedesign ko. Nagsisilbi siyang crowning glory ng cakes na binebake ko,” banggit ni Charrie.

Sa ganda at detalye ng mga cakes unang nakilala ang Cakeworks na sinimulan ni Charrie noong 2005, at hanggang ngayon ito ang binabalikan ng mga parokyano nito na mula pa sa iba’t-ibang lugar di lamang sa Cabanatuan o Nueva Ecija. Hindi rin pahuhuli ang panalong lasa at tamang timpla ng cakes mismo.

Tip ni Charrie: “Importante ang accurate measurement sa baking pati na rin ang pagiging pasensyoso habang nagmi-mix ng mga sangkap at nag-aantay na maluto ang cakes at pastries sa oven.”

“Tulad na lamang ng brazo de Mercedes,” dagdag ni Charrie, “sinubukan kong manual mixing lang sa cream kaya hindi masyadong umalsa ang cream. Kapag ganyan, inuulit ko gamit ang electric mixer kaysa hindi ma-satisfy ang clients ko. Ganun din ako sa design. Kapag hindi eksakto sa gusto ko at ng kliyente, hindi ako nagdadalawang-isip na palitan.”

Nang tikman namin ang brazo de Mercedes cupcake na sinubukan niyang i-manual mixer lang, mas nabitin kami dahil sa cupcake size nito imbes na dahil para kay Charrie kulang ang pag-alsa ng cream nito. Tulad kasi ng sansrival niya, hindi matatawaran ang mala-ulap na texture nito pati na rin ang di-nakakasawang dilaw nitong egg yolk-based stuffing at eksaktong tamis pangkabuuan.

Sa mga fans ng Cakeworks, patok ang cupcake creations ni Charrie na chocolate ang base. Nagmistulang art form na rin para sa kanila ang detalyadong pagdesign ng fondant toppers. Pero ang dapat din nilang madiskubre ay ang butter-based pastries ng Cakeworks tulad ng silvanas, sansrival at brazo de Mercedes na tunay na pinag-ukulan ng pagmamahal at pasensya upang masiguradong perfectly baked ang bawat magical creations na lumalabas sa oven ng Cakeworks patungo sa ating hapag-kainan.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

Cakeworks

12 Imelda Avenue, Kapt. Pepe Subd., Cabanatuan City

Cakeworks address

 

 

 

 

 

 

 

 

Charrie Mallari Castro

Landline: (044) 464-7088

Viber: 0922-881-1800

Instagram: cakeworksbakeshop

Facebook: www.facebook.com/cakeworks.bakeshop

Email Address: cakeworks05@yahoo.com

 

 

 

PATOK PUNTAHAN: Bakud Nature’s Bar

Si Tito Beto at ang Alamat ng Buriquitos

“Kung tutuusin, dapat naman iisang resulta lang ang kahihinatnan ng isang lutuin kahit sino pa ang nagluto. Parehong sangkap at putahe, parehong paraan ng pagluto at sa parehong lugar at sitwasyon. Pero ang misteryo nito, iba talaga ang kinalalabasan eh. Puso kasi ang sekreto. Dapat may pagmamahal ka sa ginagawa mo.”

Ang sarap kausap ni Beto Manigao o “Tito Beto” kapag nagkagaangan na kayo ng loob, ang haligi at nagsimula ng Bakud, ang pitong-taong gulang na sekretong restobar o tambayan at kainan ng mga artists, free thinkers, expats at may pagmamahal sa masarap na pagkain. Low profile ekanga pero sinumang umapak dito ay nagugulat sa mga natitikmang pa-sampol ni Tito Beto at ng kanyang anak na si Rocky. Hindi nakakagulat na mula sa isang tagong lugar sa Cabanatuan ay nakilala ito ng iba pang visiting foreigners dahil sa napakasariwang hangin at simpleng ganda ng lugar at higit sa lahat sa mga panalong putahe nito.

Isa na rito ang pinakasikat nilang buriquitos na sariling likha ng anak ni Tito Beto na si Rocky. Hiniram ang konsepto nito sa calzone o parang closed-crust na stuffed pizza, ngunit kakaiba ang kapal, lutong at linamnam ng sariling-gawang oven-baked crust na bumabagay sa mga balot nitong karne, gulay at spices na tila nag-uunahang humalina sa sinumang maka-amoy at makatikim ng burikito kapag hiniwa na ang crust nito.

“Nagsimula sa biro ang pagpapangalan namin sa buriquitos. In short, galing ito sa pangalan ng “imbentor” nitong si Rocky na tinatawag ng barkada niya bilang Rockito. Yung little Rocky eventually naging buriquito at yun ang pumatok sa mga parokyano nito mula noon,” kuwento ni Tito Beto.

Bukod sa buriquito, ipinamalas ni Tito Beto ang husay sa pagluto ng Italian pasta at claypot gamit ang terracotta. Isang napakahiwagang rebelasyon ang seafood fettuccini, perpekto ang pagka-al dente ng pasta habang napakalinamnam namang bumagay ng mga hinalong sangkap na seafood at sekretong fettuccini sauce. Wala kang sasayangin sa bawat himaymay ng pasta dahil napakayaman ng mga ito sa sarap at lasa ng kasamang sauce.

Malaki man ang serving ng bawat putahe sa Bakud at for sharing talaga, magugulat ka na lang na mauubos mo ang mga ito kahit mag-isa lalupa’t may kasamang malamig na beer, kape o anumang inuming patok sa’yo. At dahil nasa tabi ka lang ng isang bukid habang dinuduyan ng sariwang hangin sa silungang istilo ng Bakud, barkada na lang ang kulang kung di man tahimik kang makakapagmuni depende sa mood.

Kung ang bagong putahe naman nilang manok sa palayok ang inorder mo, siguraduhin mong nandiyan ang buong barkada o pamilya para mapagsaluhan ang fall-off-the-bone tender na isang buong manok. Pero habang nasa Bakud si Tito Beto, siguradong para ka na ring may kaibigang sa dami ng mga adventures niya sa buhay ay siguradong maaaliw ka at may mapupulot na aral o inspirasyon di lamang sa pagluluto kundi sa pamumuhay mismo.

Totoo ngang puso ang sekreto ng Bakud, at si Tito Beto ang nagpapatibok nito kasama ng kanyang butihin ding asawa at mga anak.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

Bakud Nature’s Bar

Batisan Street, Aduas Norte, Cabanatuan City

Jigson Manigao

Landline: 940-0386

Mobile Number: 0915-423-6055

Facebook: Bakud Natures Bar

PATOK PUNTAHAN: Kupcake Avenue

Paano nga bang di mahuhulog ang puso mo sa isang cupcake na pinaghirapang gawin at tumanyag dahil sa napakasarap na red velvet chocolate base nito? Paano mo ring tatanggihan ang isang Oreo cookie na humalo pa sa isang oven-baked cheesecake cookie at nagmistulang “cookie on a cookie”?

Dalawa lamang ito sa mga sorpresang cupcake and cookie creations ni Karylle ng Kupcake Avenue. Pero sa cookie pa lang, ang nakatutuwa nang maalala ang unang pagdunk namin nito sa isang baso ng gatas at sariwain ang mga panahong maliliit pa lamang kami nang unang madiskubre ang salamangka ng cookies and milk. Sarap!

Sophistication naman ang dating ng halina ng red velvet cupcakes ni Karylle. Romantic at playful, akmang-akmang panregalo sa mga minamahal at syempre para rin sa sarili. Love yourself, tila imbitasyon nito sa unang engkwentro. Ibahagi man o sarilinin ang cupcake, isang di-makakalimutang sensasyon ang unang pagkagat dito.

At kung tila mapanukso at isang pangmatagalang pang-akit sa panlasa ang dulot ng red velvet, lambing na may kaunting brusko naman ang hatid ng dark chocolate-based cupcakes ng Kupcake Avenue. Matapang sa una sabay pasok ng tamis hanggang mahirap nang huminto sa pagtikim nito. Addicting, eka nga.

Kaya nga’t kahit ano pa sa kanila ang piliin mo, o kaya nama’y pareho, hindi mo talaga makakalimutan ang epekto ng una mong cupcake. Ganito rin ang pagmamahal na nadiskubre ni Karylle nang una siyang mag-aral mag-bake kaya’t gayundin ang pagmamahal na ibinibuhos niya sa bawat cupcake na gawa niya.

Dahil din sa debosyong ito, nagplaplano na siya at ang pamilya na magtayo ng isang cupcake café na kung saan mas maipamamalas niya ang buong cupcake experience, bukod sa pagiging in-demand supplier at home-based baker ng mga ito. Ito raw ang dapat abangan ng mga fans ng Kupcake Avenue at iba pang cupcake lovers.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

Kupcake Avenue

Aduas Norte, Cabanatuan City

Karylle Cruz Mendoza

Mobile Number: 0915-910-1486

Facebook: Kupcake Avenue

 

PATOK PUNTAHAN: The Patio@577

The Patio@577: A Food Lover’s Dreamland

Isang katuparan ng pangarap. Isang pagbubukas sa publiko ng isang pribadong paraiso. Isang pagpapamalas ng talento sa pagluluto. At isang pamamahagi ng mga kuwento at kaalamang nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Ilan lamang ito sa kumakatawan ng The Patio@577, isang konseptong restoran na nagsimula bilang kolaborasyon sa apat na magkakaibigang propesyonal. Habang nasa ibang bansa ang may-ari ng bahay na kung saan binuksan ang kalahating bahagi nito upang maging The Patio, isa naman sa kanila ang nagsilbing puso at siyang nagpamalas ng kanyang galing sa pagluluto.

“Passion is everything. Kapag hindi mo mahal ang ginagawa mo, lumalabas ito sa produkto ng ginagawa mo, lalo na sa pagluluto.,” ani Dra. Gigi Espiritu, na ang pangunahing trabaho ay ang pagiging dentista, nguni’t ang tunay niyang adbokasiya ay sa pagluluto.

At hindi basta pagluluto ang ipinamalas niya sa The Patio@577 kundi isang pagsasama ng mga putaheng nakahiligan niya at ng mga kaibigan niya mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng buhay at mga biyahe nila mula sa ilang sulok ng mundo. Dadalhin ka ng The Patio@577 sa sinasabing “gourmet’s heaven” mula sa simple, malinis at refreshing na mango kani salad nito with roasted sesame dressing hanggang sa richly flavored at katakam-takam na fall-off-the-bone baby back ribs nito.

Hindi rin patatalo ang best-seller nitong spring rolls na impluwensyado ng Thai at Vietnamese cooking kasabay ng Charlie chicken pasta na di matawaran ang perpektong tangy-spicy nitong kombinasyon.

Ngunit ibang klase ang sarap at linamnam ng pan-grilled salmon ng The Patio@577. Lasang-lasa mo ang pagkasariwa ng salmon habang mala-chicharon sa simula ang balat nito hanggang makagat mo na ang chewy at rich center ng laman mismo. Imposibleng hindi mo babalikan ang salmon experience na dulot ng The Patio kasabay ang pagsasalo nito at ng iba pang putahe sa The Patio@577 kasama ang mga kaibigan o kapamilya.

“Yun naman kasi talaga ang dahilan kung bakit namin itinayo ang The Patio—upang magsilbing venue siya sa pagsasama ng mga taong close sa atin at ang pamamahagi ng mga kuwentong at ala-alang pinasarap pa lalo habang nagsasalo-salo sa mga pagkaing tunay na nagmula sa puso,” paliwanag ni Dra. Gigi.

“In fact, doon din nagsimula ang friendship naming apat—lahat kami masarap kumain, mahalaga sa amin ang mga propesyon namin at lahat yun dahil mahal namin ang mga pamilya at mahal namin sa bahay,” dagdag pa niya.

Tulad ng pangalan nito na inspirado rin ng istruktura ng bahay kung saan nagmula ang The Patio@577, sadyang homey, cozy at natural ang hanging hahalina sa mga bisita nito habang napapaligiran ng mga halaman mula sa garden. Naging saksi na rin ang The Patio@577 sa mga nagliligawang magsing-irog, mga kapamilyang nagkita-kitang muli, at ilan pang selebrasyon.

At lahat yan dahil sa intimate home setting ng The Patio@577 na kung saan komportable ang lahat na parang nasa sarili lamang nilang bahay habang ine-enjoy ang mga handang isa-isang nagpapasarap sa mga okasyong dumaan at darating pa sa The Patio@577.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

The Patio@577

577 Mabini Street, Cabanatuan City

Dra. Gigi Espiritu and Ms. Jaygette Gamboa

Landline: (044) 464-7978

Mobile Number: 0922-577-6337

Facebook: The Patio at 577

 

 

Patok Puntahan: BAKE CENTRAL

“Cabanatuan bakers’ paradise”

Nagsisimula ka mang matuto ng baking, isa nang ekspertong baker o nagpapatakbo ng bakeshop sa Cabanatuan, magmimistulang isang paraiso sa ‘yo ang Bake Central na kung saan ang mga pinangarap mong sangkap, gamit at kaalaman para sa pag-bake ay nasa isang bubong lamang. “One-stop shop” ekanga, at ito ang layon ni Ms. Cherry Mae Interior nang simulan niya ang pagpapatayo ng Bake Central nitong Abril, 2014.

“Bata pa lang ako, mahilig na talaga akong mag-bake. Kaya lang pansin ko noon pa lang na ang hirap maghanap ng mga sangkap at gamit sa Cabanatuan dahil karamihan sa mga ito kailangan pang angkatin mula Maynila o Pampanga. Nang makapag-ipon ako, hetong Bake Central na talaga ang pinangarap kong magkaroon sa Cabanatuan,” ani Mae.

Nang maitayo ang Bake Central, hindi inakala ni Mae na marami pala talagang Cabanatueno na interesado sa baking at ilan pa nga ay tanyag sa kanilang mga cakes and pastries at may sariling mga bakeshop tulad na lamang ng Edna’s Bakeshop, House of Pink, Kupcake Ave., atbp. Gayundin ang hinaing nila, ang limitadong supply ng mga baking ingredients at equipment sa Cabanatuan. Dahil dito, nagsilbing sagot sa mga hiling nila at melting pot ang Bake Central ng mga beterano at baguhang bakers na taga-Cabanatuan.

“Abangan din ng mga Cabanatueno ang free baking seminar ng Bake Central na hangaring humikayat ng mga bagong henerasyon ng mga bakers. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Bakels Philippines,” dagdag pa ni Mae.

First-come, first-served ang pagrerehistro sa naturang baking seminar at marami pang dapat abangan na balakin ng Bake Central.

Kapag hindi naman abala sa pamamalakad ng Bake Central, nagbe-bake din para sa mga kaibigan o kaya’y by special request si Mae na ang specialty ay delicate cakes. Specialists din sa fondant cake at buttermilk cake ang mga kasamahan niya sa Bake Central.

Upang makipag-ugnayan sa Bake Central at para malaman ang mga klase ng baking ingredients, supply at equipment na mayroon sila:

Tumawag sa: +63917-7209968

Bumisita sa: Stall #11, Mabini Arcade, Sangitan West

Mag-email sa: guillanaspastries@yahoo.com.ph

BISITAHIN: Santa Rosa Lantern Festival

Isang makinang na hudyat sa buwan ng kapaskuhan ang muling ipinamalas ng Santa Rosa nang simulang ilawan na ang mga parol sa bayan nitong Biyernes, Nobyembre 14, para sa taunang Lantern Festival. Dinaluhan ng mga Novo Ecijano ang panimulang pagtatanghal ng mga magagarbong parol at ilan lamang ang mga sumusunod sa makikita sa bayan, kung kaya’t hinihikayat ang bawat Novo Ecijano na bisitahin ang pasinaya bilang masayang paggunita sa araw ng pasko.

 

PATOK PUNTAHAN: Dupinga River, Gabaldon

Isang paraiso sa gitna ng rumaragasang ilog at binabalot ng napaka-berdeng bundok ng Sierra Madre ang Dupinga River sa Gabaldon, Nueva Ecija. Nanunukso ang malamig at preskong tubig nito habang tila isang mahabang mural ang mga bato sa paligid nito–dito, puwede kang mag-dive o simpleng mamangha sa mga natural na rock formation nito.

Sinimulan ng mga Dumagat noong 2004 ang pagpapatayo ng mga makeshift nipa huts sa paanan ng mga bundok at ilog nang salantahin ng apat na kalamidad ang lugar. Mula noon ay dinadayo na ng mga Novo Ecijano ang Dupinga River kasabay ng pagbisita sa mga talon na nananahan sa kabundukan ng Sierra Madre.

Sa halagang 300-500PHP lamang, hayaan mong damhin ang mapayapang pagragasa ng alon habang dinuduyan ka ng sariwang samyo ng hangin ng Sierra Madre. O kaya nama’y mag-dive sa malinis na ilog ng Dupinga at lakbayin ang mga karatig-bundok at talon ng Sierra Madre.

–Ulat at kuha ni Dennis Torrecampo, Francis Cruz