Pondo ng NFA, dapat ipinambili ng murang bigas -Sen. Villar

Sinagot ni chairperson of the Senate Committees on Agriculture and Food and Senate Committee on Environment and Natural Resources Senator Cynthia Villa ang tanong ng isang mamamahayag   hinggil sa reklamo ng  Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) laban sa  National Food Authority,   sa ginanap  na 5TH Association Of Tourism Officers of Central Luzon Convention (ATOCEL) sa Nueva Ecija  Convention Center, Palayan City,  noong Agosto 30, 2018.

Nagsampa ng graft complaint ang SINAG sa Office of the Ombudsman kamakailan  matapos ihayag ng Commission on Audit (COA) na P5.1 Bilyong pondo ng NFA ay ipinambayad sa mga maturing loans imbes na gamitin para sa pagbili ng mga produkto ng mga magsasaka sa bansa.

Ginamit umano na pambayad utang ng ahensya upang hindi mabawasan ang kanilang credit limit ayon kay Engr. Rosendo So, pinuno ng SINAG.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations ay napag-alaman na ginawa ito ng NFA na walang pagsang-ayon ng NFA council maliwanag na paglabag sa batas.

Ayon sa Senadora, dapat ipinambili ng murang bigas o palay mula sa mga magsasaka ang nakalaang pondo na nasa National Food Authority (NFA) para ibenta sa mga consumers sa mas mababang halaga.

Dahil hindi aniya tama ang paggastos ng budget ng NFA kaya tumaas ang presyo ng bigas sa merkado na dahilan kaya nagagalit ang  mga asosasyon sa agrikultura.

Nagtungo naman ang Tv48 crew sa Cabanatuan City Public Market kung saan aming nakapanyam si Dennis Abesamis, sinabi nito na kulang ang dalawampu’t limang sako ng NFA rice na binibigay sa bawat NFA retailer na kagaya niya, dahil sa dami ng mga mamimiling naghahanap ng murang bigas.

Walong sako lamang aniya ng NFA rice na nagkakahalaga ng 32.00 pesos ang kanyang ibinibenta nila sa loob ng tatlong araw pagkatapos ay tsaka lamang ulit sila pwedeng kumuha ng tindang bigas sa NFA.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *