Power distributors, pinagpaliwanag ng SP sa madalas na pagkawala ng kuryente sa Nueva Ecija

Sa Ika-Dalawampu’t Tatlong Karaniwang Pagpupulong ng Sanggunian Panlalawigan ay inalam ng SP sa mga lokal na power distributors ang mga dahilan ng madalas na pagkawala ng kuryente sa Nueva Ecija.

Nagpaunlak sa imbitasyon ang mga kinatawan ng Neeco II-Area 1, Neeco II-Area 2, SAJELCO, TARELCO at CELCOR. Habang hindi naman nakadalo ang PAMES at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Mga empleyado ng NGCP, habang inaayos ang linya ng kanilang kuryente.

Pahayag ng mga kinatawan ng grupo na ang dahilan ng madalas na pagkaantala ng kuryente ay ang scheduled at unscheduled power interruption ng NGCP dahil sa pagpapalit ng mga poste, linya at kable nito.

Pinabulaanan din ng mga eletric utilities na bumibilis o dumaragdag ang kinukunsumong metro ng mga consumers kapag madalas ang pagpatay-sindi ng kuryente.

Base sa kanilang kasalukuyang residential rates, pinakamataas ang singil ng Neeco II-Area 2 na pumapatak sa P10.13/kWh, sumunod ang CELCOR na P9.14/ kWh, TARELCO na P9.8/ kWh, Neeco II-Area 1 na P8-9/ kWh at pinakamababa ang SAJELCO sa P8.08/ kWh.

Sa patuloy na pagtatanong ng mga miyembro ng Sanggunian, tila hindi naman sila nasiyahan nang tanungin ang CELCOR kung nanatili pa ring nag-ooperate ang FCVC na isa sa idinadagdag sa bill ng mga consumer.

Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, inaalam lamang nila ang lahat ng bagay na may kinalaman sa kanilang serbisyo upang maintindihan at maging katuwang ang SP sa pagpapaliwanag sa mga consumers.

Aniya, hindi doon natatapos ang kanilang patawag dahil sa susunod ay kailangan ng masagot ang mga katanungan na hindi nasagot at mabigyan ulit ng pagkakataon na makausap ang mga grupo na hindi nakadalo. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – Power distributors, pinagpaliwanag ng SP sa madalas na pagkawala ng kuryente sa Nueva Ecija


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *