Preparasyon para sa ika-75 anibersaryo ng pagpapalaya sa mga bihag ng digmaan noong WWII, ikinakasa na

Naghahanda na ang Provincial Tourism Office (PTO) katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Provincial Engineering Office (PEO), Language Skills Institute (LSI), Provincial General Services Office (PGSO) at media para sa selebrasyon ng ika-75 anibersaryo ng itinuturing na pinakamatagumpay na pagpapalaya sa mga bilanggo ng World War II, na gaganapin sa Pangatian Shrine, sa January 30, 2020.

Sa ginanap na pagpupulong noong Lunes, January 20, ay ipinaliwanag ni Tourism Officer Atty. Jose Marie San Pedro ang mga aktibidad na gagawin kabilang ang wreath-laying rites.

Magsasagawa rin ng forum sa Old Capitol Building sa kaparehong araw na naglalayong ipabatid sa mga guro at estudyanteng Novo Ecijano ang istorya ng magigiting na mga sundalong Amerikano at mga gerilyang Pilipino na nagsanib pwersa para mailigtas ang mga naging bihag ng digmaan noong panahon ng World War II.

Ang Camp Pangatian ay isang dating mobilization center ng Philippine Army ilang taon bago ang digmaan at matatagpuan sa silangang bahagi ng Cabanatuan City.

Sa kainitan ng giyera ay nagsilbi itong concentration camp kung saan ay tinuluyan ito ng higit sa 500 na mga sundalo na nahuli sa lalawigan ng Bataan at nakasama sa death march.

Ang mga nasabing sundalo ay naunang napiit sa Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac bago inilipat ang mga ito sa Camp Pangatian.

Umaga noong January 30, 1945 nang makatanggap ng impormasyon ang kampo ng 6th Army Ranger Battalion ng Estados Unidos na pinamumunuan ni Lt. Col. Henry Mucci na nagpalakas ng loob ng mga rescuers para ituloy ang kanilang misyon.

Pasado alas-otso ng gabi sa kaparehong araw nang umatake ang mga Amerikanong sundalo  at ang Luzon Guerilla Army Force sa kinalalagyan ng mga bihag kung saan  matagumpay na nailigtas ang mga ito na siyang itinuturing na most successful rescue mission sa US military history.

Ang unang bantayog ay inilaan noong ika-12 ng Abril, taong 1982 sa mga nakaligtas sa Bataan Death March at pinangalagaan ito ng American Battle Grounds Commission (ABMC) simula noong taong 1989.

At noong April 6, 2003 ay pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang ikalawang bantayog bilang pagkilala sa gerilyang tumulong sa pagpapalaya sa Camp Pangatian. –Ulat ni Jessa Dizon

https://youtu.be/_3P0FP8psz4


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *