Presyo ng bigas sa palengke ng Cabanatuan City, nanatiling mataas

Sa kabila ng pagbagsak ng presyo ng palay at buhos ang mga imported na bigas ay nanatili pa ring mahal ang presyo ng bigas sa pampublikong pamilihan sa Lungsod ng Cabanatuan.

Sa paglibot ng Balitang Unang Sigaw News Team sa palengke ng Cabanatuan ay aming nakausap ang ilang may-ari ng pwesto ng bigas.

Ayon kay Aling Lourdes, ilang dekada nang nagnenegosyo ng bigasan sa lungsod, walang pinagbago ang presyo ng kanilang well-milled rice P32 hanggang P50 kada kilo noong nakaraang taon na wala pa ang Rice Tariffication Law kumpara ngayon na umiiral na ang batas.

Ito rin ang pahayag ni Ate Ine, may pwesto ng bigasan sa palengke, na hindi nabago ang presyo ng kanilang tindang bigas na naglalaro sa P38 hanggang P52 kada kilo.

Aniya, pinakamabili sa kanila ang pinakamurang bigas na NFA na nagkakahalaga ng P27 kada kilo.

Isa sa mga suki ng NFA na bigas si Aling Edna, aniya, kung dati ay kaya pa niyang bumili ng P32 kada kilo ng bigas ngayon ang pinakamurang bigas na lang ang kaniyang binibili. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – Presyo ng bigas sa palengke ng Cabanatuan City, nanatiling mataas


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *