Presyo ng ilang pangunahing bilihin sa Cabanatuan City, bumaba; gulay, matumal ang benta

Magandang balita para sa mga Cabanatueñong mamimili ngayon at sa mga susunod na araw dahil makakaranas ng pagbaba ng presyo sa ilang mga pangunahing bilihin.

Sa aming pag-iikot sa Cabanatuan City Public Market, napag-alaman namin na bumaba rin pala ang karamihan sa mga gulay doon ngayon tulad ng carrots na P50 – P60 na lang ngayon kumpara sa dating P70 noong nakaraang buwan habang ang kalabasa na P30/ kilo na lang kumpara sa dating P35/kilo.

Tig – P20 naman ang ibinaba ng kalamasi na nagkakahalaga na lang ng P30/kilo, puting sibuyas na P40/kilo at pulang sibuyas na P60/kilo.

Pinakamalaki naman ang ibinaba sa presyo ng talong kung saan ang dating P60 kada kilo ng talong na bilog ay P30 na lang at ang dating P80 na talong na haba ay P40 na lang ngayon.

Tumaas naman ng P10 ang kamatis na P40 kada kilo at ang bawang na P80 na ang kilo samantalang nananatili pa rin sa P10/tali ang okra.

Sa isda naman ay P20 ang ibinaba kada kilo ng bangus na nasa P200 na lang ngayon, galunggong na dating P160 ay P140 na lang at ang dalagang bukid na mula sa dating P150 ay P140 na lang ngayon.

Ang manok naman ay bumaba ng P10 na mula sa dating presyo nito na P140/kilo ay P130 na lang ngayon habang ang karne ng baboy ay walang ipinagbago sa presyo at naglalaro pa rin sa P200 – P220 ang kilo.

Bagaman bumaba ang presyo ng karamihan sa mga bilihin ay matumal pa rin aniya ang benta ng gulay sa panahon ngayon dahil sa dami ng suplay nito. Pabor naman ito sa mga konsyumer gaya nina Oliver Poras at Gloria Paclaon, na may karinderya dahil malaki ang namemenos nila ngayon sa bilihin at lumalaki ang kanilang kita. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *