Presyong Php14-15 kada kilo ng palay na pagbili ng Nueva Ecija Food Council, ikinatuwa ng mga magsasaka

Ilan lamang sina Aling Luzviminda Tapang, Aling Lorenza Sajur at mag-asawang Fernando at Lourdes Caincal sa mga magsasakang Novo Ecijano na nabilhan ng palay ng Nueva Ecija Food Council.

Ayon sa kanila, ikinatuwa nila ang pagbili ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang aning palay sa mas mataas na halaga kumpara sa umiiral na kalakarang presyo na P11 – P12 kada kilo lamang.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Aling Luzviminda, 53 taong gulang at residente ng Brgy. Inspector, Sta. Rosa, Nueva Ecija, malaki aniya ang naitutulong ng programa ng provincial government sa mga mahihirap at maliliit na magsasaka kaya labis ang kanyang pasasalamat kay Governor Aurelio Umali.

Aniya pa, ang kanyang kinita sa pinagbentahan ng palay ay magiging pambayad sa kanilang inutang na puhunan sa pagtatanim ng palay at ilalaan ulit sa susunod na pagsasaka.

Malaki kasi aniya ang kanilang pamilya, may apat itong pinag-aaral na anak at namamasukan lamang siya bilang tagapag-alaga ng matanda para maitawid ang pang araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.

Nang maisabatas ang Rice Tariffication Law ay lubha umano itong ikinalungkot ni Lola Lorenza Sajur, 82 taong gulang ng Brgy. San Gaspar, San Jose City, Nueva Ecija.

Ani Lola Lorenza, nang bumagsak ang presyo ng palay ay hindi nito alam kung saan siya kukuha ng ibabayad sa inutang niya lalo at buwisan ang lupa nitong sinasaka at iniintindi din niya ang pambayad sa reaper na gagamitin sa pag-ani.

Nakasilip aniya siya ng pag-asa nang mabalitaan at mapabilang siya sa programa ng pamahalaang panlalawigan.

Bagamat umabot sa 26.7 ang moisture content ng kanyang inaning palay at may kaitiman na ang mga butil ay binili pa rin ito sa halagang P13.50 ng Provincial Food Council.

Kwento niya dahil sa naturang presyo ay makakabayad na siya sa mga pagkakautang niya at nanawagan din ito sa gobernador n asana ay mapagkalooban siya ng libreng binhi para sa sususnod na taniman.

Habang nabili naman sa halagang P14.25 kada kilo ang aning palay ni Mang Fernando ng Brgy. Linglingay, Science City of Muñoz, Nueva Ecija na ikinagalak din niya dahil tulad ng pangkaraniwang magsasaka ay pangunahing suliranin din nito ang pambayad utang.

Hiling ni Mang Fernando, sana ay magtuloy-tuloy ang magandang programa ng pamahalaang panlalawigan upang hindi malugi ang mga maliliit na magsasakang tulad niya. – Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *