Principal Rowena Caoile, balik NEHS

Muling nagsagawa ng rally ang mga gurong nagsampa ng kaso laban sa Principal ng Nueva Ecija High School (NEHS) sa pagbabalik nito sa kaniyang pwesto matapos di umano’y suspendihin.

Ayon kay Vivencio Sakay, Teacher 1 ng NEHS, inireklamo niya si Principal Rowena Caoile dahil sa hindi pagpapasweldo sa kaniya ng labing limang buwan.

Sa paliwanag ni Principal Rowena Caoile, ang hindi pagsweldo ni Sakay ay dahil sa hindi nito pagpasa ng Daily Time Record (DTR) na kailangan upang maproseso ang kaniyang sweldo.

Paglilinaw pa ni Caoile, hindi siya nasuspinde ng dalawang buwan kundi inilipat lamang siya sa DEPED-Nueva Ecija Division Office habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso laban sa kaniya na isinampa ni Sakay.

Hindi naman nagustuhan ni Annie Macapagal Teacher III ng NEHS nang ilipat siya ng ibang departamento ng Punong Guro mula sa pagiging TLE Department Head.

Sa pahayag ni Caoile, ang reklamo ni Macapagal ay tapos na at napagdesisyunan na ng Civil Service Commission na pabor sa panig niya.

Habang isa naman si Ed Ace Candelaria, Teacher III ng NEHS, sa nagsampa ng kasong technical malversation at nepotism dahil sa di umano’y maanomalyang mga proyekto sa loob ng eskwelahan at pagkuha ni Caoile sa kaniyang pamangkin bilang personal driver na labag aniya sa batas.

Sa pagkakataong ito ay mas pinili ni Caoile na manahimik na lamang sa iba pang mga akusasyon na ibinabato sa kaniya dahil aniya baka ito ay makaapekto pa sa mga kaso na kasalukuyan ng dinidinig sa korte.

Hiling ng mga Guro, sana ay bumaba na sa pwesto ang Principal. Respeto naman ang mensahe sa kanila ni Caoile. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – Principal Rowena Caoile, balik NEHS


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *