Problema ng mga estudyanteng hirap sa pagbabasa, sosolusyunan ng DepEd-Nueva Ecija

Inilunsad ng Department of Education o DepEd-Nueva Ecija sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Jessie Ferrer ang Brigada Pagbasa na naglalayong matuldukan ang suliranin ng mga estudyanteng nahihirapang magbasa at unawain ang kanilang mga binabasa at bilang tugon na rin sa DepEd Memorandum 173 o ang Hamon: Bawat Bata Bumabasa.

Lumabas kamakailan sa balita na pinakamahina ang reading comprehension ng mga Pilipino kumpara sa 78 na bansa base sa 2018 Programme for International Student Assessment o PISA exam na isinagawa ng Organisation for Economic Cooperation and Development o OECD.

Noong Biyernes, January 10, 2020 ay tinipon ang mga language coordinator sa elementarya, department heads sa Filipino at English sa sekondarya, district supervisors ng tatlumpo’t tatlong distrito, at piling mga punong guro para sa orientation ng reading inventory na kasalukuyan na ngayong isinasagawa.

Ayon kay English Supervisor Carmencita Gatmaitan ng DepEd-NE, nasa labing pitong teams ang umiikot sa bawat paaralan upang sukatin ang lebel ng pagbasa at pag-unawa ng mga estudyante sa kanilang binabasa upang mabigyan ng nararapat na hakbang bago dumating ang graduation dahil may mga estudyante daw na nakaabot na ng Senior High School na hirap pa rin sa pagbabasa.

Sa darating na buwan ng Hunyo ngayong taon ay maninindigan umano ang DepEd sa “No Read, No Promotion” sa mga mag-aaral.

Base sa pre-assessment ng DepEd ayon kay OIC Education Program Supervisor Arnold Galvez, 10, 531 sa 28, 000 Grade 3 students ang hirap bumasa habang 9,000 sa 27,000 estudyante naman sa mga nasa ika-anim na baitang.

Pahayag ni Maria Cecilia Bagsik, Division Reading Coordinator, target ng DepEd ang zero non-reader kaya naman gagawin umano nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maisakatuparan ito sa buong lalawigan.

Sinabi naman ni Reynaldo Reyes, Education Supervisor ng Filipino, na malaki ang papel ng mga magulang at maging ng buong komunidad upang mahasa ang kanilang mga anak sa pagbabasa na susi sa tagumpay ng bawat mag-aaral.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *