PROGRAMANG PTK, PATUNGKOL UMANO SA PANANAMPALATAYA, PAG-ASA AT PAG-IBIG AYON KAY SENATOR ALLAN PETER CAYETANO

Lulan ng isang private chopper si Senator Allan Peter Cayetano ng magtungo sa Lungsod ng San Jose, upang ipagkaloob ang isang daang libong pisong pondo mula sa PTK program.

Tatlong bagay ang nasusulat sa Bibliya ang panghabang buhay, ayon kay Senator Cayetano, na ini-ugnay niya sa programang PTK, dahil naniniwala aniya siya na sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig ay maaaring maisakatuparan ang anumang mithiin sa buhay.

Kahapon ay nagbigay pag-asa sa mahigit tatlumpong miyembro ng TODA Pasada San Jose City ang pag-hahandog ng Senador ng isang daang libong piso mula sa PTK program bilang pondo ng asosasyon para sa kanilang mga pangangailangang pinansyal.

Sa halip kasi na umutang sa bangko o 5-6 ang mga tricycle drivers’ ay binigyan na lamang sila ng pondo na maaari nilang mautang, na kinakailangan ding bayaran ngunit sa maliit na interest lamang na hindi tataas sa limang porsyento.

Kaya lubos ang naging katuwaan ng mga tricycle drivers ng ipahayag ni Senator Cayetano ang pagbibigay niya ng isang daang libong piso para sa kanila.

Nagpasalamat naman ang kanilang Pangulo na si Mang Bonifacio Valdez sa senador at nagbitiw ng pangakong palalaguin ang pondong ibinigay sa kanila.

Nagpahaging naman si Senator Cayetano para sa darating na 2016 election na kung siya ay bibigyan ng pagkakataong maglingkod sa bansa sa mas mataas na posisyon ay hindi umano niya hahayaang mawala ang tulong ng Pamahalaan para sa mga mahihirap.- Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *