Pros at Cons ng Golden Rice, pinagusapan sa Public Consultation

Tinalakay sa ikinasang Public Consultation ang mga posibleng maganda at masamang epekto ng ikalawang bersyon ng Genetically Modified Organisms (GMOs) na Golden Rice hinggil sa itinutulak na field testing ng Philippine Rice Research Institute (PHILRICE) at International Rice Research Institute (IRRI).

Lumahok dito ang mga miyembro ng Local Government Unit (LGU), magsasaka, health workers at iba pa.

Ayon kay Ronan Zagado, head ng Development Communication Division ng PHILRICE, ang kakulangan sa Bitamina A ay isang malala at malawakang problemang pangkalusugan na maaaring matugunan sa pamamagitan ng regular na pagkain ng Golden Rice.

Ngunit para sa isang magsasaka na katulad ni Joel Bacdayan, ang Golden Rice ay hindi sagot sa kakulangan sa Bitamina A ng mga pilipino dahil ang problemang ito ay maari aniyang matugunan sa natural na paraan.

Hirit naman ng PHILRICE ang Bitamina A ay una pa lamang sa kanilang pinag aaralan. Ngunit sa pagdaan ng panahon ay plano rin nilang dagdagan ito ng bitaminang Zinc at Iron.

Wala aniyang dapat ipangamba sa Golden Rice dahil titiyakin nila na ito ay ligtas at epektibo sa mga magsasaka at consumers.

Subalit, duda rito ang grupong Magsasaka At SIyentipiko Para sa AGrikultura (MASIPAG), na malaking kumpanya ang nasa likod nito na nagnanais na pasukin at kontrolin ang pangunahing kabuhayan ng mga Pilipino.

Naniniwala rin ang grupo, na ang Golden Rice ay isang pain sa mga magsasaka. Kung saan, ginagamit ang humanitarian approach pero bandang huli ay sisingilin rin ang mga taong naniwala dito.

Pagbibigay diin ng PHILRICE, huwag agad husgahan at bigyan ng pagkakataon na dumaan sa proseso ang pag-aaral ng Golden Rice upang makita ang resulta at matiyak ang positibong tugon at kaligtasan nito.

Ang ikalawa at huling Public Consultation ay gaganapin sa July 20, sa San Mateo, Isabela. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *