Provincial Census Coordinating Board, nagpulong para sa 2020 CPH

Nagsagawa ng pagpupulong noong Lunes, November 11, 2019 sa Sierra Madre Suites, Palayan City ang mga miyembro ng Nueva Ecija Provincial Census Coordinating Board (PCCB) para sa gagawing 2020 Census of Population and Housing.

Ito ang unang pagtitipon ng PCCB para pag-usapan ang mga dapat gawin na paghahanda para sa matagumpay na pagsasagawa ng census sa May 2020.

(Ang mga bumubuo ng Provincial Census Coordinating Board)

Ayon kay Elizabeth Rayo, Chief Statistical Specialist ng PSA – Nueva Ecija, layunin ng pagpupulong na magkaroon ng koordinasyon sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa maayos na daloy ng census.

Dagdag pa ni Rayo, ginagamit ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nakakalap na datos bilang batayan ng mga programa at proyekto na kinakailangan para sa mga mamamayan.

Unang iprinisinta sa meeting ang naging resulta ng 2015 Census Population kung saan iniulat rito na as of August 1, 2015 ay halos 101 million na ang kabuaang populasyon dito sa Pilipinas at mahigit dalawang milyon rito ang sa Nueva Ecija.

Pinakamalaking populasyon ang Cabanatuan City na nasa mahigit 300,000 at may 68,247 households habang pinakamaliit naman ang Bayan ng Nampicuan na nasa halos 15,000 lamang at may 3,086 households.

Ipinaliwanag naman ni Julius Villamin, Statistical Specialist II ng PSA – Nueva Ecija ang mga resolusyon na naipasa ng Philippine Statistics Authority Board na may kinalaman sa maayos na daloy ng operasyon sa isang buwan na census sa May 2020.

(Mr. Julius Villamin, Statistical Specialist II ng PSA – Nueva Ecija habang
ipinapaliwanag ang mga resolusyon ng PSA Board na may kinalaman sa 2020 CPH)

Kabilang na rito ang PSA Board Resolution No. 04, series of 2019 na nagsasaad ng pagtulong ng iba’t ibang mga ahensya sa psa sa pagsasagawa ng 2020 CPH at ang PSA Board Resolution No. 05, series of 2019 na naglilikha ng national, regional, provincial at municipal census coordinating boards para sa 2020 CPH.

Sa mensahe naman ni Governor Aurelio Umali, Chairman ng PCCB, binigyang diin nito na sana ay seryosohin at makiisa ang lahat sa isasagawang census para sa maayos na pagkalap ng mga datos at makagawa ng mga kapaki-pakinabang na programa ang lokal na pamahalaan para sa mga mamamayan. –Ulat ni Jessa Dizon

https://www.youtube.com/watch?v=VONzLnyquzU


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *