Provincial Food Council, handa nang mamili ng palay sa darating na dayatan

Dumaan sa Training on Classifying Rice Based on Quality ang mga classifier, checker at iba pang tauhan ng Provincial Food Council noong Huwebes, January 23, para sa mas maayos na proseso ng pamimili ng palay ng pamahalaang panlalawigan ngayong second cropping o dayatan.

Ipinaliwanag ni Chief Science Research Specialist Dr. Marissa Romero, Rice Chemistry and Food Science Division ng PhilRice na kapag masyadong mataas ang moisture content ng palay ay maaari itong amagin dahil sa mga mikrobyong mamamahay dito, kaya naman mahalaga na mapatuyo itong mabuti bago iimbak, ngunit hindi rin naman dapat bumaba sa 13-14% ang MC nito dahil maaari naman itong madurog.

Maliban sa MC dapat din aniyang suriing mabuti ang mga palay na pinamimili kung ito ay may bukbok na at dapat ding siguraduhin na maganda ang kondisyon, may maayos na sirkulasyon ng hangin at malinis ang storage upang masigurong hindi maaapektuhan ang kalidad ng palay.

Ayon sa mga classifier, noong nakaraang taon ay nakadepende lamang sila sa sinasabi ng mga farmer beneficiaries kung anong variety ng palay ang kanilang inani, kaya tama lamang na binigyan sila ng training ukol dito.

Ipinakita rin sa mga classifier at checker ang itsura ng iba’t ibang variety ng palay at bigas upang makita ang pagkakaiba at characteristics ng mga ito.

Binigyang diin naman ni Farah Dinah Dysico ng FVDysico Ricemill and Trading na mahalaga na mula sa pagkakaharvest ng mga palay ay dapat na mapatuyo ito kaagad at hindi maimbak ng matagal upang maiwasan ang pagkasira nito.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang validation ng Provincial Youth and Development Office o PYDO ng mga farmer beneficiaries ng PFC.

Mula sa mahigit pitong libong magsasakang navalidate noong nakaraang taon ay nadagdagan ito ng anim na libo, as of 5:00 pm ng January 27 ay nasa 13, 600 na ang validated farmers.

Target ng pamahalaang panlalawigan na makapagvalidate ng nasa 20, 000 farmer beneficiaries hanggang sa buwan ng Pebrero ngayong taon bago mag-anihan.— Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/75jK_iQqJPA


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *