Provincial Government, planong magtayo ng sariling rice mill

Sa pakikipagpulong ni Governor Oyie Umali kay Regional Director Piolito Santos ng National Food Authority, Region III, noong Martes, August 20, 2019 ay hiningi nito ang tulong ng NFA na maging katuwang ng itinatag nitong Provincial Food Council sa pagbili ng palay sa mga maliliit na magsasaka na naapektuhan ng malubhang pagbaba ng presyo ng palay.

Ayon kay Governor Umali, ayaw nitong mawala ang pagiging Rice Granary of the Philippines ng lalawigan at mamatay ang industriya ng pagsasaka sa probinsya dahil 16 porsyento aniya ng produksyon ng palay sa bansa ay nagmumula sa Nueva Ecija.

Inihayag din ng gobernador na may inisyal na dalawang daang milyong pisong pondo na ang Provincial Government sa pagbili ng aning palay at taun-taon ay plano nila itong dagdagan hanggang maabot ang target na isang bilyong pisong pondo.

Plano din ng ama ng lalawigan na magpatayo ng sariling Rice Mill upang magtuloy-tuloy ang kanilang pamimili ng mga palay sa mga maliliit  na magsasakang na malubhang naapektuhan ng Rice Tarrification Law.

Kasalukuyan na rin aniya ang proseso sa pagdedetermina at paglilista ng mga magsasakang maaari nilang mabilhan ng mga palay.

Sinabi rin nito na kinakailangang masustain o maging tuloy-tuloy ang pamimili ng palay ng Kapitolyo hindi para kumita kundi para matulungang maiangat ang kabuhayan ng mga mahihirap na magsasaka.

Bilang bahagi din ng tulong sa mga magsasaka ay nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa DSWD o Department of Social Welfare and Development upang sa mga lokal na magsasaka na lamang bumili ng mga ipamamahaging relief goods sa panahon ng mga kalamidad.

Isa aniya sa dapat na prayoridad ng gobyerno ay ang food production ng bansa upang masiguro ang food security o kakayanang mapakain ang mga mamamayan nito.

Sa amin namang panayam kay Regional Director Santos, tinatarget nilang makabili ng dalawang milyong kaban ng palay hanggang sa matapos ang taon kung saan mula Enero hanggang sa kasalukuyan ay nasa 1.9 million cavan na ng palay ang kanilang nabili sa lalawigan.

Tuloy-tuloy din aniya ang kanilang pagbebenta ng bigas sa merkado sa halagang 27 pesos kada kilo at sa kasalukuyan ay bumibili sila ng palay sa halagang P20.70.

Ayon pa dito, inalis na sa kanila ang stabilization function kaya naman ang pagbili na lamang ng palay para sa food security ng bansa ang kanilang ginagawa at nakasalalay na sa mga Local Government Units, Department of Agriculture at iba pang ahensya kung paanong mapapataas ang ex-farm price para hindi malugi ang mga magsasaka.

Pinuri naman ni Santos ang Provincial Food Council na itinatag ni Governor Umali na magbabantay aniya sa produksyon ng palay ng mga magsasaka na mag-aangat sa kanilang mga kabuhayan.β€”Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *