Prov’l Gov’t ng Nueva Ecija, naghahanda sa Federalismong porma ng gobyerno

   Naghahanda na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Czarina Umali sa posibilidad na magkaroon ng pagbabago sa porma ng sistema ng gobyerno ng ating bansa mula sa pagiging unitary form patungo sa federalismo na isinusulong sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Provincial Administrator Alejandro Abesamis sa panayam ng media tungkol sa paghahanda ng kapitolyo sa itinutulak na bagong sistema ng gobyerno.
Si Provincial Administrator Alejandro Abesamis sa panayam ng media tungkol sa paghahanda ng kapitolyo sa itinutulak na bagong sistema ng gobyerno.

   Sa pamamagitan ng isang symposium ay ipinakita sa mga namumuno sa iba’t ibang departamento at opisina sa ilalim ng provincial government ang mukha ng federalismong pamahalaan upang ngayon pa lamang ay matututunan na nila ito.

   Ginanap ang diskusyon sa Sierra Madre Suites, Palayan City kung saan nagsilbing lecturer si Judge Maximo Barroga Ancheta na isang professor ng Political Law sa Aurollo University.

   Ayon kay Judge Maximo Ancheta, tuwing pagkatapos ng eleksyon dito sa ating bansa, karaniwan ng karamihan sa mga local officials ay lumilipat sa partido ng nahalal na presidente, dahil kung hindi, mas malamang na maipit ang kanilang mga programa at proyekto na nais na ibigay sa mga mamamayan.

   Nangyayari aniya ang ganito dahil sa kasalukuyang umiiral na klase ng ating gobyerno ay umaasa ang mga probinsiya, siyudad, munisipalidad, at mga barangay sa pondong nanggagaling sa national government o ang tinatawag na Internal Revenue Allotment.

 Si Judge Maximo Ancheta habang sinasagot ang mga tanong ng mga hepe ng iba’t ibang departamento at opisina ng provincial government.
Si Judge Maximo Ancheta habang sinasagot ang mga tanong ng mga hepe ng iba’t ibang departamento at opisina ng provincial government.

   Mas mainam umano ang sistemang federal dahil sa binabalangkas na porma nito sinasabing magkakaroon ng awtonomiya o pagsasarili ang mga itatatag na estado na pangasiwaan ang kita nito na manggagaling sa mga kinokolektang buwis.

   Kung sa kasalukuyan, 60% ng National Revenue ang napupunta sa pamahalaang nasyunal at ang natitirang 40% lang ang ibinabahagi sa mga pamahalaang lokal, sa panukalang formula, 20% na lamang ang ibibigay sa State Government habang ang 80% ay maiiwan at mapapakinabangan ng lgu.

   Bagama’t maraming magagandang benepisyong tinalakay si Judge Barroga hinggil sa federalismo, iginiit nito na hindi pa rin ito magiging matagumpay at kapaki-pakinabang sa ating mamamayan kung hindi magiging malinis ang hangarin ng ating mga iluluklok na pinuno.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *