PWD, isa sa nagtapos bilang outstanding student ng PMTC

Isang polio victim si Mang Joselito De Guzman, residente ng Brgy Bantog, Guimba. Bagama’t lumaking may kapansanan ay hindi ito naging hadlang upang magsumikap na paunlarin ang sarili sa pamamagitan ng pag-enroll sa Hilot Wellness Course ng Provincial Manpower and Training Center (PMTC).

Bukod sa pananahi at pagwewelding ay ninais niya na madagdagan ang kaalaman upang mabuhay ng maayos ang kaniyang asawa.

Malugod na tinanggap ni Joselito De Guzman(Guimba branch), isa sa outstanding student ng PMTC ang kaniyang certificate mula kay VG Anthony Umali na nagsilbing Panauhing Pandangal ng okasyon.

Sa kaniyang pagtatapos, maituturing aniya na bonus ang mahirang na isa sa pitumpu’t limang outstanding students ng training center.

Sa Ika-75 at 76 na Graduation Ceremony, umabot sa isang libo at dalawang daan at tatlumpu’t pitong estudyante ang nagsipagtapos na ginanap sa Nueva Ecija Convention Center, Palayan City.

Sa pananalita ni VG Anthony Umali, ang pagtatapos ay hudyat ng panibagong simula ng hamon sa buhay na kung saan maia-apply na ang mga bagong kaalaman at kasanayan.

Ang PMTC ay isa sa mga programa ng Provincial Government, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga nagnanais na magkaroon ng panibagong kaalaman at kasanayan na kinikilala maging sa ibang bansa.

Ayon kay PMTC Chief Officer Raoul Esteban, hangad ng Pamahalanag Panlalawigan na makatulong at maabot ang mga mamamayan hanggang sa pinakamababang antas sa lipunan.
Ang labing walong kurso ay posible pa aniyang madagdagan sa mga susunod na panahon. Kabilang sa kanilang nais isama ang hospitality, bartending, cookery, construction at agricultural course.

Para sa mga nagnanais na mag-enroll, maaaring magtungo sa alinman sa limang branch ng PMTC na matatagpuan sa Cabanatuan City, Gapan City, San Jose City, Bongabon at Guimba. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – PWD, isa sa nagtapos bilang outstanding student ng PMTC


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *